Filtered By: Topstories
News

Ayala Land inabswelto ng DOJ sa Glorietta blast


Nilinis ni Justice Secretary Raul Gonzalez nitong Martes ang Ayala Land, Inc. (ALI) sa anumang responsibilidad sa pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati noong Oktubre 19 na nagresulta sa pagkamatay ng 11 tao at ikinasugat ang mahigit 100 iba pa. Ayon kay Gonzalez, bagama't pagmamay-ari ng ALI ang Glorietta, ang Ayala Property Management Corporation (APMC) ang may hawak sa operasyon sa mall kabilang na ang pagkuha ng mga tao na titiyak ng kaligtasan sa lugar. Nang tanungin kung may pananagutan ang APMC sa insidente, sinabi ni Gonzalez na: “We are still looking... because the record in the SEC (Securities Exchange Commission) about the Ayala Property Management appears... that almost all of the members of the directors of Ayala Property are just there as nominal members." Sinabi pa niya na tinitingnan ng mga imbestigador kung sino ang mga personalidad na direktang may kontrol sa mall nang maganap ang insidente. “I don’t want to telegraph the findings that we have now but it will come out. But I can say that Ayala Land Inc. is not involved here," pagtitiyak ni Gonzalez. Inihayag niya na ilalabas ng Justice Department ang pagsusuri sa pagsabog sa linggong ito. Tatlong tao umano ang maaring madagdag sa naunang 15 inirekomendang kasuhan ng criminal negligence, gross neglect of duty, at paglabag sa Fire Code kaugnay ng pagsabog. - Mark Ubalde, GMANews.TV