Fil-Am dancer na si Bailey Muñoz, wagi sa ‘So You Think You Can Dance’
Ang Filipino-American breakdancer na si Bailey Muñoz ang nagwagi sa "So You Think You Can Dance" Season 16.
Makikita sa naturang kompetisyon ang bigay na bigay na pagsayaw ni Bailey mula swag at hiphop, hanggang sa swabeng galawan sa contemporary dance, ayon sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.
Makasaysayan ang kaniyang tagumpay dahil siya ang unang B-Boy breakdancer na nagwagi.
Sinundan ni Bailey ang pagkapanalo ng isa pang Fil-Am nitong last season na si Hannahlei Cabanilla.
Dream come true aniya kay Bailey ang manalo sa kompetisyon.
"I'm just so grateful to God for guiding me here and I never knew I can make it here in a million years, but I'm here," saad ni Bailey.
Nagpasalamat din si Bailey sa mga Pinoy na sumuporta sa kaniya.
"Mabuhay, salamat po. I'm just so grateful and I hope I made the Philippines proud and every Filipino out there. I'm just so humbled to [be] someone who [has] a country behind me, and to represent my culture, which heritage I truly adore, and all my family and stuff. It just means the world."
Hinangaan din si Bailey ng kapwa Fil-Am at judge ng "So You Think You Can Dance" na si D-Trix sa kaniyang energy at passion. — Jamil Santos/BM, GMA News