Filtered by: Topstories
News

Opisyal ng dog pound sa Gumaca, nasa likod daw ng pagbenta ng mga aso sa mga katayan


Nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa isang dog catcher at tagapangasiwa rin ng dog pound sa Gumaca, Quezon na tinuturong nasa likod daw ng bentahan ng mga aso  sa katayan.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Lunes, binuntutan ng mga pulis ang tricycle na sinasakyan ng kanilang target para matunton kung saan dadalhin ang mga isinakay rito.

Pero nang makahalata ang target, bumababa ito sa tricycle at tumakbo palayo.

Hinabol ng mga pulis ang target sa talahiban at makailang ulit din silang nagpapaputok.

Sa huli, nakatakas ang target ng operasyon.

Narekober naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tricycle na naglalaman ng hindi bababa sa 10 aso na i-dedeliver na raw sana sa katayan.

“Hindi po ito healthy, napakaraming sakit na makukuha sa pagkain ng dog meat. Hindi po ito safe for human consumption,” sabi ni Atty. Heidi Marquez ng Animal kingdom Foundation.

Pinilit na pagkasyahin ang mga aso sa maliit na espasyo, habang nakagapos ang mga paa at nakatali ang bibig ng mga ito para hindi makatahol.

Sa pamamagitan ng ID na naiwan ng target na nakasabit sa tricycle, kinilala ang subject ng operasyon na si Jowie Medina.

Ayon sa intelligence information na ipinarating sa Animal Kingdom Foundation at CIDG, si Medina ay isa ring dog catcher at siyang nangangasiwa ng dog pound ng munisipyo ng Gumaca.

“This is the first bust ever na masasabi natin na confirmed ang mga aso ay mula sa dog pound, at ito ang source ng dog meat trade,” sabi ni Marquez.

“Kakasuhan po natin siya ng paglabag sa Republic Act 8485 ‘no, ang Animal Welfare Act,” sabi ni Senior Police Officer 4 Luis Aguilar.

Umabot sa mahigit isang taon ang ginugol ng Animal Kingdom Foundation at Philippine National Police para sa operasyong ito.

“Hindi namin makuha kung sino ang taong involved, so it turned out na ang government employee himself, whose running the pound and managing it and catching the dogs is the one selling for the dog meat trade’ sabi ni Marquez.

Irerekomenda ng  Animal Kingdom Foundation sa munisipyo ng Gumaca na ipasara at ayusin ang kanilang dog pound.

“I don’t think this is a pound, if you have noticed, the conditions of the dogs, yung facility, hindi ito compliant,” sabi ni Marquez.

Sinisikap pa rin na makunan ng panig ang Gumaca Municipal Government. —NB, GMA News