Pagsabog sa Cavite: 3 tao patay, 4 na bahay wasak
Niyanig ng malakas na pagsabog ang isang subdivision sa Bacoor, Cavite nitong Huwebes na ikinamatay ng tatlong residente. Sa ulat ng GMA News 24 Oras, ilegal na paggawa ng pampasabog ang hinihinalang dahilan ng aksidente sa Anthurium Street, Phase V sa Sorrento Homes subdivision. Sinasabing wala ang may-ari ng bahay at tanging mga trabahador lamang ang nandoon nang maganap ang pagsabog. Ayon kay Superintendent Antonio Yarra, hepe ng Bacoor Police, isang lalaki ang dinakip ngunit hindi pa malinaw kung trabahador din ito o may-ari ng bahay. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Senior Superintendent Fidel Posadas, hepe ng Cavite provincial police, na sa lakas ng pagsabog ay anim na bahay pa ang napinsala. Dakong 4:15 p.m. pinaniniwalaang naganap ang pagsabog. At bagaman hindi nasunog ang bahay ay gumuho naman ito pati na ang tatlo pang kalapit na bahay. Hindi pa pinapangalanan ang mga biktima ngunit dalawa sa mga ito ay isang lalaki at isang babae. Hindi pa tiyak kung ilan ang nasugutan na dinala sa pagamutan. "Napakalakas ng pagsabog, akala namin malaking lugar ang napinsala. 'Yung unang impormasyon na nakuha namin nagkaroon ng trapik sa lugar dahil sa lakas ng pagsabog," kwento ni Posadas. Malapit sa isang mall ang lugar ng pinangyarihan ng insidente. Sa ulat ng dzRH radio, inilarawan ng mga nakatira sa lugar na lumipad ang pira-pirasong bahagi ng bahay katulad ng bakal, salamin at kongkreto dahil sa pagsabog. Hindi naman pinayagan ng pulis at security personnel ng subdivision na makalapit agad ang mamamahayag sa pinangyarihan ng insidente. - Fidel Jimenez, GMANews.TV