18 barangay sa Calumpit, Bulacan lubog sa baha kahit wala nang ulan
Kahit tumigil na ang pag-uulan, lubog pa rin sa baha ang 18 barangay sa Calumpit, Bulacan, kung saan sinisisi ng mga apektadong residente ang pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa News To Go nitong Huwebes, ilan sa mga residente ang nagsasabing wala na silang makain dahil pati ang kanilang mga bukirin ay binaha. Bukod dito, pahirapan din anila ang transportasyon.
Ganitong kalbaryo ang nararanasan ng mga residente sa Barangay Calizon kung saan nagmistulang palaisdaanan ang mga palayan.
Gumagamit sila ngayon ng tatlong bangka para sa transportasyon dahil kapag tricycle ang ginamit, tiyak na titirik ang mga ito sa pag-suong ng baha.
"Marami na ditong mga walang kinakain gawa nga nu'ng matagal na hindi nakakapaghanapbuhay ang ibang tao dito sa amin... Karaingan namin dito na sana mapigil nga 'yung pagguho ng tubig, magawa 'yung ilog," ani Councilor Danilo Manlapig.
"Mag-iisang buwan na yang pa-high tide high tide," sabi naman ni Yeng Manlapig, isang tricycle driver.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Bulacan, ang pagbaha ay dulot ng patuloy na sa pagpapakawala ng tubig sa turbina ng Angat dam.
Lubog pa rin mula isa hanggang apat na talampakang tubig ang mga sumusunod na barangay: Balungao, Bulusan, Buguion, Calizon, Caniogan, Frances, Gattbuca, Gugo, Iba o Este, Meyto, Meysulao, Panducot, Pio-Cruz-Cosa, San Jose, Poblacion, San Miguel, Sapang Bayan at Sta. Lucia.
Dahil sa pagbaha, maraming nagkakasakit, lalo ang mga bata at matatanda. Nasa mahigit 1,000 pamilya pa ang nasa iba't ibang evacuation centers sa ngayon. —Jamil Santos/KBK, GMA News