Filtered By: Topstories
News

7-taong-gulang patay matapos malunod sa ginagawang septic tank sa paaralan


Patay ang isang pitong-taong-gulang na bata matapos siyang malaglag sa isang ginagawang septic tank sa loob mismo ng kaniyang paaralan sa Meycauayan, Bulacan noong Huwebes.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Amulec Ron Gabinay, mag-aaral ng Meycauayan City West Central Elementary School.

Kuwento ng ina ng bata na si Princess Mona Anding, hindi na raw nakauwi ang kaniyang anak noong nakaraang Miyerkoles. Huli raw itong namataan na naglalaro malapit sa ginagawang septic tank.

Kinabukasan, nakita nang palutang-lutang ang katawan nito sa ginagawang pozo negro. Ayon sa death certificate, asphyxia by drowning o kakulangan ng oxygen dahil sa pagkalunod ang ikinamatay ng bata.

Nais naman ng mga naulila ni Amulec na papanagutin ang pamunuan ng paaralan at ang gumagawa ng septic tank kaugnay ng nangyaring insidente.

"President Duterte tulungan niyo po ako para magkaroon ng hustisya 'yung anak ko," sabi ni Princess. "Maraming batang maglalaro. Dapat tinakpan nila 'yun kasi mga bata curious sila."

"Ganon na lang ba 'yun? Papano na lang buhay ng apo ko? 'Yang eskwelahan, dapat iyan bago sila nagtayo diyan, may harang 'yan. Dahil kritikal, madaming madidisgrasya diyan," dagdag ng lolo ng biktima na si Gregorio Gabinay.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente. Nilagyan na rin ng bakod at karatulang "Bawal Pumasok Dito" ang ginagawang septic tank.

Nangako naman ang pamunuan ng eskuwelahan na tutulong sila sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Amulec.

"Kami po ay nalulungkot sa naganap na trahedya. Napakalaking dagok po ito pero kung ano man ang maitutulong, handa kami lalo na sa imbestigasyon" sabi ni Theresa Sevilla, punong-guro ng paaralan.

Samantala, hindi pa nagpapalabas ng opisyal na pahayag ang Persan Construction, ang kumpanyang gumagawa ng nasabing septic tank. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News