Filtered By: Topstories
News

Ang Enero bilang buwan ng mga protesta


Noong 16 January 2001, sumiklab ang himagsikang “EDSA Dos,” matapos na maudlot ang impeachment trial laban sa Pangulong Joseph Ejercito “Erap” Estrada.  Muling tumungo sa lansangang EDSA ang mga tao, sa may kanto ng Ortigas tulad noong 1986 at matapos ang apat na araw, tumungo rin ang ilan sa kanila sa Mendiola.  Napilitang bakantehin ni Pangulong Erap ang Malacañang sa araw din na iyon, 20 January.  Subalit, ang pagpapatalsik kay Erap ay hindi lamang ang importanteng protesta sa kapanahong kasaysayan na naganap sa buwan ng Enero.  Balikan natin ang ilan sa mga kontroberysal na protestang ito.

26 January 1970:  Ang Pagsisimula ng Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter Storm

 FQS: Protesta sa Harapan ng Kongreso, 30 January 1970 (Lopez Museum)

Pagtatapos ng Dekada 1960 ay isang panahon kung saan humihingi ng pagbabago ang mga kabataan sa buong mundo. Tinawag ni Mao Zedong ang mga kabataang Tsino na pangunahan ang Cultural Revolution sa Tsina.  Sa Kanluran, marami ring pakikibaka ang mga kabataan—ang civil rights movement o paghingi ng pantay na karapatan para sa itim sa Amerika, ang kilusang kumokontra sa Digmaan sa Vietnam at ang mga hippies na humihingi ng kapayapaan, at ang women’s liberation movement na nag-aadhika ng flower power, burn the bra, at ban the bra!!!  Umabot sa Pilipinas ang diwa nito.  Mababasa ang marami sa mga kuwento ukol sa panahong ito sa mga aklat na Days of Disquiet, Nights of Rage ni Jose “Pete” Lacaba at UG, An Underground Tale: The Journey of Edgar Jopson and the First Quarter Storm Generation ni Benjamin Pimentel, Jr.

Sinuportahan ng Pangulong Marcos ang Digmaan ng Amerika sa Vietnam sa pagpapadala ng mga sundalong tumutulong sa mga operasyong sibil at medical, ang Philippine Civic Action Group-Vietnam (PHILCAG-V).  Para sa mga estudyante, ito ay ebidensya ng pagiging neo-kolonya natin ng Estados Unidos at kakulangan natin sa kasarinlan. 

FQS: Pagprotekta sa Pangulo sa Pangunguna ni Fabian Ver

Isang batang instruktor ng UP na si José Maria Sison ang nagtatag ng Kabataang Makabayan (KM), na naging isa sa mga kilusang kabataan na nanguna sa mas malawakang pakikibaka laban sa Administrasyong Marcos na noon ay nagpapakita na ng tendensiyang diktatoryal.  Kasama na sa mga samahang ito ang Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) at ang moderatong National Union of Students of the Philippines (NUSP).  Bagama’t iisa ang ipinaglalaban, nagtunggalian naman sila sa kaibahan ng kanilang mga ideolohiya. 

Noong 29 December 1969, dumating ang Pangalawang Pangulo ng Estados Unidos na si Spiro T. Agnew para sa ikalawang inagurasyon ng Pangulong Marcos.  Kinabukasan, sinalubong siya ng mga aktibista.  Marahas na binaklas ng mga anti-riot police ang protesta sa pamamagitan ng pamamalo ng mga mahahabang truncheons. 

Matapos ang ilang araw, 26 January 1970, binigkas ng Pangulong Marcos ang kanyang State of the Nation Address sa joint-session ng Senado at Kamara sa Lumang Kongreso.  Sa kanyang opening prayer, humingi ng tulong sa Diyos ang pangulo ng Ateneo na si Fr. Pacifico Ortiz para sa Pilipinas na ayon sa kanya ay nasa nanginginig na bingit ng himagsikan, “a trembling edge of revolution.” 

Sa labas ng kongreso malapit na malapit sa pintuan, 50,000 tao ang nagprotesta.  Naghanda sila ng isang kabaong, simbolo ng pagkamatay ng demokrasya, at effigy ng isang buwaya na kumatawan sa korupsyon ng pamahalaan.  Sa paglabas ni Pangulong Marcos sa gusali, binato siya ng mga radikal na raliyista at itinapon sa kanyang direksyon ang kabaong at ang buwaya.  Nasubukan ang katapatan ni Fabian Ver, ang drayber-militar ni Marcos, hinarang niya ang kanyang katawan sa pangulo.

Si Pangulong Marcos ang naging unang pangulo na pinukulan ng bato at iba pang bagay ng mga raliyista.  Ito ang isa sa pinakamahalagang tagpo sa tinawag noon na Sigwa ng Unang Kwarto o First Quarter Storm.

Marahas ang kasagutan ng mga pulis.  Pinalo nila ng mga rattan ang kahit na sinong makita, mga radikal man at mga moderato.  Maging ang binti ng babae na ito ay patuloy na pinalo ng pulis kahit na sumasakay na ang babae sa dyipni.  Ang babaeng ito pala ay si Propesora Judy Taguiwalo.  Gumanti ng pagbato ng mga bato at bote ang mga estudyante.  Hanggang magdamag ang naging labanang ito.  Marami ang nasaktan.  Ngunit hindi pa pala ito ang huli.

30 January 1970:  Battle of Mendiola

FQS: Pagsalakay sa Malacañan

 

FQS: Pagpalo sa mga binti ni Judy Taguiwalo sa loob ng dyip (Lopez Museum)

Lagi nating naririnig ang pangalang Mendiola.  Ito ang maiksing kalsada sa may San Miguel District sa Maynila na patungo sa Palasyo ng Malacañan, ang tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.  Ipinangalan ito kay Enrique Mendiola, isang abogado, guro at awtor ng teksbuk.  Itinalaga ng Republika ni Emilio Aguinaldo sa Malolos bilang Direktor ng hayskul na Instituto Burgos.  Kinalaunan, naging bahagi ng unang Board of Regents ng Unibersidad ng Pilipinas.  Napakamakahulugan na ang kalyeng ito na ipinangalan sa isang guro ay nasa gitna ng tinatawag na University Belt. 

January 30, 1970, apat na araw matapos ang madugong pagbaklas sa rally ng kabataan sa lumang Kongreso matapos ang SONA ng Pangulong Marcos, inanyayahan niya sa Palasyo ng Malacañan sina Edgar Jopson, ang pinuno ng moderatong aktibistang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Portia ilagan ng National Students’ League (NSL) para sa isang dayalogo. 

Ayon sa pangulo, may karapatan raw ang mga estudyante na magpahayag ng kanilang mga hinaing sa publiko at sa totoo lang suportado niya ang kanilang mga makatwirang mga kahilingan.  Ngunit, nang himukin ni Edjop ang pangulo na pumirma ng isang nakasulat na kasunduan na hindi na siya tatakbo para sa ikatlong termino kahit na mabago ang Saligang Batas, na kanyang iwinasiwas sa harapan ng pangulo, sumagot si Marcos, “Who are you tell me what to do! You’re only a son of a grocer!”  Upang hupain ang tensyon, sumabat si Portia, “Tingling!  Ops, break muna!  Break!”  Bago magpatuloy ang pulong, sinabihan si Marcos na kailangan na nilang lumisan dahil may nangyayari na sa labas. 

Alas seis na noon ng gabi.  Matapos na mapayapang magwakas ang demonstrasyon sa harap ng lumang kongreso upang iprotesta ang mga naganap apat na araw ang nakalilipas, ang mga radikal ay hindi umuwi, bagkus dumiretso sa Mendiola patungo sa mismong Gate 6 ng Palasyo ng Malacañan, sumisigaw ng “Makibaka! Huwag matakot!” at “Sigaw ng Bayan, Himagsikan!” 

Sa pagdilim, hiniling ng mga estudyante na “Sindihan ang ilaw!”  Nang sindihan ito ng palasyo, isa-isa na lamang itong binasag ng mga raliyista sa pamamagitan ng mga bato at pamalo.  May mga nagsasabi naman na aktibista na may mga batong nagmumula sa direksyon ng palasyo kaya gumanti sila at nakipagbatuhan na rin.  Hindi lang bato ang itinapon ng mga raliyista kundi mga pill boxes at Molotov cocktails.  Sina Edjop ay isinakay sa bangka sa likod ng palasyo, hindi na nakabalik sa kotse niyang sinunog na ng mga raliyista. 

Nang isang trak ng bumbero ang nagtangkang bombahin sila ng tubig upang ma-disperse ang mga kabataan, inagaw nila ang trak, ni-liberate ito at ibinundol sa gate.  At sa pagbukas nito, tumahimik daw ang lahat.  At doon narinig ang sunod-sunod na putok mula sa Presidential Guard Batallion.  Daan-daang estudyante ang bumagsak, apat ang namatay.  Naghabulan ang mga awtoridad at ang mga raliyista hanggang sa mga nakapaligid na mga erya, Azcarraga (Recto), Divisoria at España at umabot ng madaling araw.  Ito ang climax ng Sigwa ng Unang Kwarto ngunit hindi ito ang huling pag-aalsa ng kabataan. 

Ayon sa ilan, ang mga estudyanteng radikal ang may kasalanan sa nangyari, sabi naman ng iba, binuyo talaga ni Marcos ang mga pangyayari upang magkaroon ng dahilang maghigpit.  Marahil, pareho nilang ninais mangyari ito. 

Ang “Battle of Mendiola,” ang isa sa pinakamadugong demonstrasyon na nangyari sa Pilipinas.  Anuman, binago ng mga pangyayari ang kasaysayan.  Tutungo na ang bansa sa dilim ng Batas Militar.  Binago rin nito ang buhay ng marami katulad ng moderatong si Edjop na kinaiinisan ng mga radikal.  Sumama rin siya sa mga radikal upang ipaglaban ang kalayaan.  Natugis siya at pinatay ng mga militar sa Davao noong 1983.

22 January 1987:  Mendiola Massacre

Kahit sa panahon ng diktadura, lalo na noong Dekada 1980, patuloy na naging larangan ng protesta ang Mendiola. 

Matapos na mapaslang si Ninoy Aquino noong 1983, sinunod-sunod ang protesta.  Ayon sa ulat ng Mr. and Ms., noong 21 September 1983, gumamit daw ng baril ang mga sundalo upang biyakin ang hanay sa protesta upang alalahanin ang ika-11 taon ng Batas Militar, sampu ang patay, 200 ang sugatan. 

Nakilala ang Manila Times editor na si Chino Roces at si Senador Lorenzo Tañada sa lugar na ito na sa kabila ng katandaan ay hindi natitinag sa tear gas at bomba ng tubig.  Ang tulay dito kinalaunan ay papangalanang Don Chino Roces Bridge. 

Noong People Power 1986, tumungo rin ang mga tao dito upang baklasin ang barbed wire o tinikang kawad na naging simbolo na paniniil ng Batas Militar. 

Ngunit paalala ang Mendiola na mahirap ang daan tungo sa demokrasya.  Pinaputukan ng mga militar ang mga rallyista na humihingi ng repormang pang-agraryo noong 22 January 1987.  13 ang patay, 51 demonstrador at 23 security ang sugatan. 

Ayon kay Western Police District Chief Alfredo Lim, ang mga Marines ang nagpaputok, hindi ang mga pulis. 

In fairness, ayon kay Pangulong Cory Aquino sa isa sa huling panayam sa kanya, “Yung sa Mendiola, masyadong masakit sa akin iyon, di ko naman nais na gawin iyon at saka mayroon naman talagang naggulo doon.”  Sa aking opinyon, masasabing may hang-over pa ang militar sa kanilang matagal na kapangyarihan. 

Tumungo din ang tao dito noong EDSA Dos at nagkagulo rin noong EDSA Tres kaya tinanggal na ang Mendiola Gate ng Palasyo at nilagyan pa ng malaking Peace Gate upang manatiling “mapayapa” ang mga protesta sa panahon ni Pangulong Gloria Arroyo.  

Noong 2012, naglagay ang National Historical Commission of the Philippines ng marker sa Kalye Mendiola na tinatawag itong “simbolo ng kilusang protesta laban sa paniniil sa iba’t ibang panahon ng kasaysayang pangkasalukuyan.” 

Anuman, ang mga mahahalagang protesta na naganap sa buwan ng Enero at ang  kasaysayan sa Mendiola ay paalala sa atin na hindi nakakamit ang demokrasya na tulad ng pagpitas ng prutas, tigib ito ng sakripisyo. 

Nawa ay maalala natin ang mga aral sa kasaysayan.  Huwag nating hahayaan na ang tanging Mendiola na lamang na maaalala natin ay si Jessy. 

***

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association.  Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”