Bus na puno ng pasahero, buwis-buhay na tinawid ang umapaw na ilog sa Zamboanga del Norte
Viral ngayon ang video na nagpapakita ng buwis-buhay na pagtawid ng isang bus na puno ng pasahero sa umapaw na ilog sa Zamboanga del Norte.
Ayon sa ulat 24 Oras nitong Sabado, pilit na itinawid ng driver ang bus na may sakay na mga guro at estudyante kahit pa malalim na ang tubig.
Napasigaw ang mga sakay ng bus dahil sa takot habang lumulusong sa ilog ang bus.
Nakatwid naman ang bus at ligtas ang mga sakay nito.
Ayon sa mga nakatira sa lugar, karaniwang mababaw lang naman ang ilog kaya nadaraanan ito ng mga sasakyan.
Matagal na raw hinihiling ng mga residente na tayuan ng tulay ang ilog para ligtas na makatawid ang mga sasakyan kapag umaapaw ang ilog.
Sa isang lugar naman sa Vintar, Ilocos Norte, napilitang mag-balsa ang mga residente para makatawid sa ilog, matapos sirain ng masungit na panahon ang dinaraanan nilang footbridge.
Kahit mga tricycle, pilit nilang isinasakay sa balsa para lang makatawid. Anim na barangay ang apektado ng masamang panahon. — MDM, GMA News