Filtered By: Topstories
News

Kontrata ng maintenance provider ng MRT, pinakakansela


Inirerekomenda ng Department of Transportation na kanselahin ng pamahalaan ang kontrata nito sa Busan Universal Rail Inc. bilang maintenance provider ng MRT3, dahil natuklasang bumili ang kumpanya ng spare parts mula sa isang supplier na nadawit sa pangingikil noon.

Sa ulat ng "Unang Balita" ni Maki Pulido nitong Miyerkules, sinabing napag-alamang bumili ang BURI ng spare parts mula sa kumpanyang Diamond Pearl na nakarehistro sa kumpanyang isa sa nagmamay-ari ay si Marlo P.  dela Cruz

Si Dela Cruz ay dati na umanong nadawit sa pangingikil ng $30 million sa Inekon Group para makuha ang kontrata bilang supplier ng spare parts para sa ng MRT3.

Bukod pa rito, isa rin sa mga incorporator si Dela Cruz ng kumpanyang PH Trams, na isa sa mga dating maintenance provider ng MRT3.

Ayon sa DOTr, hindi "expertise" ng Diamond Pearl ang paggawa o pag-supply ng spare parts para sa MRT, kaya posibleng malagay sa panganib ang mga pasahero ng train system.

"Malamang sa hindi original yung spare parts na nilagay [sa dokumento]. Ang tanong na lang ngayon, sabi ko ay paimbestigahan sa National Bureau of Investigation kung saan binili ng Diamond Pearl ang spare parts," pahayag ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez.

Sagot naman ni Attorney Charles Mercado, tagapagsalita ng Busan, "Strategy 'yan ng procurement namin. Ayoko naman pangunahan. I think wala naman bawal unless they are blacklisted by government as far as I know 'di naman blacklisted."

Kinuwestiyon ni Undersecretary Chavez ang kaligtasan ng mga pasahero dahil may anim na insidente na ng derailment ang MRT3 sa loob lang ng isa't-kalahating taon.

Dagdag pa ni Chavez, dalawa pa lang ang natatapos sa 20 sa 72 MRT trains na nakatakdang i-overhaul nitong Agosto.

Sagot ni Mercado, "Sa contract namin we are given 36 months. Pinag-uusapan 'yan, I don't want to jeopardize discussions."

Pinag-aaralan na ng legal department ng DOTr ang rekomendasyon na ikansela ang kontrata sa Busan bilang maintenance provider. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News