Filtered By: Topstories
News
KAYA NAMATAY SI 'GOYO' DEL PILAR

Alamin kung sino ang sinasabing traydor ng 'Tirad Pass'


Sinasabing ang isang Igorot ang itinuturong dahilan ng pagbagsak ng puwersa ng mga rebolusyunaryong Pinoy sa Tirad Pass, at pagkamatay na rin ng batang heneral na si Gregorio "Goyo" Del Pilar noong December 2, 1899.

Ang "Battle Of Tirad Pass" sa Ilocos Sur ang isa sa mga makasaysayang sagupaan ng mga rebolusyunaryong Pinoy laban sa tropa ng mga mananakop na Amerikano noong 1899.

Disyembre 2, 1899 nang mapaslang si Del Pilar habang nakikipaglaban at idinedepensa ang Tirad Pass para makalayo ang kaniyang pangulo na si Heneral Emilio Aguinaldo laban sa sumasalakay na pangkat ng mga Amerikano.

Sinasabing bigo ang mga Amerikano na magapi sa simula ang pangkat ni Del Pilar hanggang sa isang Igorot-- si Januario Galut, ang nagturo umano sa mga dayuhan kung saan ang lihim na daanan para masorpresa ang mga tropa ng batang heneral.

Sa pagkakataong ito, napasok ng mga Amerikano ang lugar nina Del Pilar at napaslang ang heneral sa edad na 24.

Pero bago nabansagang "traydor ng Tirad Pass" si Galut, naging bahagi siya ng pangkat ng mga Igorot mula sa Cordillera region para tumulong sa mga rebolusyunaryong Pinoy na makipaglaban sa mga Amerikano.

Katunayan, noong 1899 ay isang grupo ng mga Igorot ang kasama ni Maj. Federico Isabelo "Belong" Abaya para lumaban sa mga Amerikano sa tinawag na "Battle of Caloocan."

Gayunman, ilang Igorot umano ang nabihag ng mga Amerikano at naging kaalyado ng mga dayuhan, gaya ni Galut,  na kanilang ginamit bilang "guide" sa mga kuta at daanan sa mga kabundukan. -- FRJ, GMA News