Alamin ang savings program ng Pag-IBIG at SSS na puwedeng gawing investment
Hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na mag-impok sa savings program ng pamahalaan tulad sa Pag-ibig Fund at ng Social Security System na maaari raw tumubo nang malaki ang ipapasok na pera.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing maliban sa paglalagay ng pera sa bangko, may iba pang paraan para makapag-impok kung saan mas malaki ang kikitain ng pera.
Hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na maglagay ng naipong pera sa mga government savings program tulad sa Pag-ibig Fund.
Paliwanag sa ulat, sa Pag-ibig Fund, maaaring taasan ang kontribusyon ng miyembro sa halip na P100.00 lang. Depende sa kung magkano ang nais na idadagdag sa kontribusyon, kikita ito sa pamamagitan ng dibidendo kaya lalago ang savings.
Maaari itong makuha nang buo matapos ang dalawampung taon o kapag nagretiro na sa trabaho.
"Ang katumbas po ng mga programa na ito sa mga bangko ay parang time deposit. For the last five years, hindi po bumaba sa four percent and dividend rate na naideklara natin," paliwanag ni Acmad Rizaldy Moti, OIC-Pag-ibig Fund.
May isa pa umanong savings program ang Pag-ibig Fund na tinatawan na Modified Pag-ibig 2 o MP2, na P500 ang minimum deposit at walang ring maximum.
Aabot umano sa five-years ang maturity nito na pwedeng i-renew ng panibagong limang taon, at bahagyang mas mataas umano ang dividend rate nito.
Noong 2016, umabot sa 6.9% ang dineklarang dividend rate ng regular Pag-ibig savings at 7.4% naman ang MP2.
"Yung mga dati kong kasamahan sa banking industry, nangggaling ho ako ng bangko, wala ho silang produkto na ganyan na kayang magbigay ng 6.9 percent." dagdag ni Moti, sabay pagtiyak na safe ang pera sa Pag-ibig Fund.
Samantala, mayroon namang Personal Equity and Savings o PESO fund ang SSS, na ang minimum contribution ay P1,000 at P100,000 ang maximum sa loob ng isang taon.
Para sa mga overseas Filipino workers, mayroong Flexi Fund ang SSS.
Ang kagandahan umano sa mga government savings program na ito ay ang garantiya ng pamahalaan na makukuha ang inilagak na savings at tax free pa. -- FRJ, GMA News