Filtered By: Topstories
News

Suspek sa pagpatay sa dating Lakambini ng Bulacan, nakunan sa CCTV


Inilabas na ang artist sketch ng bumaril at pumatay umano sa 23-anyos na dating Lakambini ng Bulacan. Naglaanan din ng P100,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang salarin.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, ipinakita ni Police Supt. Julio Lizardo, hepe ng Plaridel police, ang artist sketch ng lalaking bumaril umano kay Mary Christine Balagtas sa labas ng kanilang bahay noong Abril 5.

READDating Bulacan beauty queen, binaril ng nag-deliver ng bulaklak at tsokolate

Nagpanggap ang suspek at ang isang kasama na nagde-deliver ng bulaklak at tsokolate sa biktima na kanilang binaril sa sentido.

Sa paglalarawan sa salarin, sinasabing mas taas ito na 5-6 hanggang 5-7, tinatayang may edad na 38 pataas, katamtaman ang pangangatawan at fair ang complexion.

May kuha rin CCTV sa dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo pero hindi makikita ang mga mukha nito dahil sa suot na helmet.

May inilaan na P100,000.00 pabuya sa sinumang makapagbibigay impormasyon para madakip ang mga suspek.

Nangako  si Lizardo papangalagaan ang pagkakakilanlan ng sino mang nagbibigay ng impormasyon na ikadarakip ng mga salarin.

Patuloy pa rin na tinitingnan ng pulisya ang anggulong love triangle sa motibo ng krimen dahil sa may asawa umano ang nobyo ng biktima.

Ayon kay Lizardo, napansin nila na tila may nararamdamang takot na rin ang pamilya ni Balagtas.

"Iba na ang tono nila, parang takot sila," anang opisyal.

Hindi pa rin pinapangalanan ng pulisya ang mag-asawa na iniuugnay nila sa pagpatay kay Balagtas.

Tumanggi umano ang sinasabing nobyo ng biktima na magsalita nang puntahan ng mga awtoridad batay daw sa payo ng abogado.

Nangako rin umano ito na pupunta sa himpilan ng pulisya pero hindi naman ginawa. -- FRJ, GMA News