Tinderang napagkamalang kalaguyo, kinuyog
Marami talagang napapahamak dahil sa maling akala.
Sa Maynila, isang tindera ang kinuyog ng isang ginang at tatlo niyang anak dahil napagkamalan siyang kalaguyo ng padre de pamilya ng mag-iina.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hatinggabi noong Marso 21 nang sugurin ng mag-iina ang tinderang itinago sa pangalang "Emma," sa Santa Cruz, Maynila.
Sa kuha ng closed-circuit-television camera sa lugar, makikita ang pagsugod tatlong babae at isang lalaki sa biktima.
Sinipa ng mag-iina ang paninda ni Emma at pinagsasampal pa ito at sinabunutan.
Kamuntik pa siyang mabangga ng isang sasakyan nang tangkain niyang pumiglas sa mag-iina.
Ayon sa isang tanod, nagkaroon ng kalinawan sa presinto na maling babae ang inatake ng mag-iina nang magpakita doon ang tunay na kalaguyo ng mister.
Madalas lang daw na nagpupunta sa puwesto ng tindera ang tunay na kabit.
Nagmakaawa umano sa tindera ang mag-iina na patawarin sila sa kanilang ginawa, at nakipag-areglo sila sa pamamagitan ng pagbabayad ng P15,000.00 sa biktima. -- FRJ, GMA News