Filtered By: Topstories
News
WATCH

Traffic enforcer, nabundol ng kotse at nasagi pa ng trak


Mistulang na-tag team ng isang kotse at isang trak ang tanod na nagmamando ng trapiko sa Makati. Matapos kasing mabundol ng kotse ang biktima, nasagi naman siya ng trak, na mabuting nakapagpreno kaya 'di siya nasagasaan.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Sabado, ipinakita ang kuha sa closed-circuit-television camera sa barangay Poblacion nitong Biyernes nang mabundol ang tanod na si Domingo Caraan.

Sa video, makikitang abala sa pagmamando ng trapiko sa JP Rizal St., si Caraan nang biglang sumulpot ang isang kotse, na minamaneho ni Dennis Jose Galang, at nabundol ang biktima.

Umangat ang biktima nang mabundol ng kotse at saka nasagi ng cement mixer truck, na minamaneho ni Ronaldo Camus, na nasa kabilang linya naman.

Mabuti na lang at nakapagpreno kaagad ang driver ng trak kaya hindi nagulungan ang biktima.

Kaagad siyang nilapatan ng paunang lunas ng rescue team ng barangay at saka isinugod sa ospital.

Ayon sa kay Henry Argel,  exec officer ng barangay, noon una ay itinatanggi umano ng driver ng kotse ang kasalanan hanggang sa mapanood nito ang kuha sa CCTV.

Dinala ng mga tauhan ng barangay sa Makati City Police Traffic Unit ang dalawang driver.

Ayon sa kapatid ng biktima, nagtamo si Caraan ng bali sa katawan, at head injury dahil sa lakas ng pagkakabundol sa kanya.

Nangako umano ang kampo ni Galang na sasagutin nila ang mga gastusin ng biktima sa ospital.

Pinag-iisipan pa umano ng pamilya biktima kung magsasampa ng kaso laban sa dalawang driver.

Samantalang tumangging magbigay ng pahayag ang kaanak ni Galang. -- FRJ, GMA News

Tags: accident