Deklara ni Sen. Cayetano: 'Hindi ako American citizen'
Kasabay ng pagkondena at pagtawag na "fake news" ang isang newspaper column na kumukuwestiyon sa kaniyang citizenship, iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na isa siyang Pilipino.
Sa kaniyang Facebook video na isinagawa nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Cayetano kung bakit siya nagkaroon noon ng Philippine at American citizenships.
Pero giit niya, iba ang kaniyang sitwasyon at hindi dapat ikumpara kay dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Jr., na hindi nakalusot ang kompirmasyon sa Commission on Appointments (CA).
READ: CA rejects Yasay's appointment as DFA chief
Paliwanag ni Cayetano, bagaman sa Pilipinas siya isinilang, nagkaroon siya ng Philippine at American citizenships "by law" dahil Pilipino ang kaniyang ama na si dating Senador Renato Cayetano, at Amerikana ang kaniyang ina na si Sandra Schramm.
"Dahil Amerikana ang nanay ko, by law, by both the Philippine Constitution and US Constitution, I was both an American and a Filipino noong time na pinanganak. Sabi na sa ibang court cases, hindi kasalanan ng bata 'yon," paliwanag niya.
Aniya, una umano niyang kinumbinsi ang kaniyang ama na isuko ang kaniyang American citizenship nang pumasok siya sa law school. Pero pumayag lang umano ang kaniyang ama noong tumakbo siyang kongresista.
"Nakumbinse ko [ama ko] kasi nakita niya yung aking passion sa public service at nakita niya na gusto ko wala akong ibang allegiance," dagdag niya.
Sinabi rin ni Cayetano na kumuha siya ng US visa at may tatak ito na patunay na hindi siya American citizen.
Iginiit din ni Cayetano na hindi maaaring ihalintulad ang sitwasyon niya kay Yasay.
"Magkaiba kami ng kaso. Iba yung ipinanganak ka na you have citizenship and you're allowed to choose. Iba yung ipinanganak kang Pilipino lang [tapos] iniwan mo at kumuha ka ng ibang citizenship tapos babalikan mo yung Philippine citizenship," patuloy niya.
"Let me state categorically na hindi ako American citizen," deklara ng senador.
Kamakailan lang ay nagdeklara ang CA na hindi kompirmahin ang pagtatalaga kay Yasay bilang DFA secretary dahil sa ginawa umano nitong paglilihim ng kaniyang American citizenship, na itinanggi naman ng dating opisyal.
READ: ‘I DID NOT LIE’: Yasay after CA rejection
Ayon kay Yasay, nagkaroon siya ng certificate of naturalization at US passport noong November 1986. Pero paliwanag niya, naging "invalid" ang kaniyang American citizenship dahil sa US Immigration and Nationality Act, bunga ng kaniyang "preconceived intent" na bumalik sa Pilipinas.
Isinuko umano ni Yasay, ang kaniyang certificate of naturalization for cancellation and revocation noong 1993.
Naniniwala naman si Cayetano na isang "hatchet job" ang pagkuwestiyon sa kaniyang citizenship dahil sa kaniyang pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte. — FRJ, GMA News