Mauulit ang 'Edsa 3' kung dadalhin sa Munti si Erap
Nagbabala ang kaalyado ni dating Pangulong Joseph Estrada nitong Martes na posibleng maulit sa Miyerkules ang eksena noong May 1, 2001 na tinawag na âEDSA 3" kung saan sumugod sa Malacanang ang mga tagasuporta ng pinatalsik na lider. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Jose "Linggoy" Alcuaz na posibleng magalit ang mga tagasuporta ni Estrada kapag âguilty" ang maging hatol sa kanya ng Sandiganbayan at ipakulong ito sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa kasama ng mga kilabot na kriminal. "Kung iko-commit si Estrada sa Bilibid sa Muntinlupa, palagay ko lang maaaring maulit ang Edsa Tres," paliwanag ni Alcuaz, miyembro ng Oust Gloria Coalition. Taliwas ang pahayag ni Alcuaz sa paniniguro ng pamilya Estrada na tatanggapin nila anuman ang maging hatol ng Sandiganbayan at hindi sila maghihikayat ng gulo. Inaasahan ni Alcuaz na karamihan sa mga sasama sa kanilang grupo na magsasagawa ng kilos protesta sa St. Peter Church, ilang metro ang layo sa Sandiganbayan, ay hindi ang tinatawag na hakot crowd. Una rito, nagdeklara ang Philippine National Police (PNP) na hindi nila papayagang makalapit sa Sandiganbayan ang mga magpoprotesta bilang pagsunod sa 200-meter radius na "no rally" zone na itinakda ng korte. Matatandaan na naging madugo ang âEDSA 3" rally nang sumugod sa Malacanang ang mga tagasuporta ni Estrada na halos isang linggong nagtipon-tipon sa Edsa Shrine. Ilang demonstrador ang namatay sa insidente at daan-daang iba pa ang nasugatan. Sinabi ni Deputy Director General Avelino Razon Jr, PNP deputy for administration, na tatlong lungsod (Quezon City, Makati City at Pasay City) ang alam nilang nagbigay ng permit to rally kaugnay sa araw ng promulgasyon ng hatol ni Estrada. Mas mababang parusa Naniniwala naman si Sen. Miriam Defensor Santiago na hahatulan ng Sandiganbayan si Estrada sa mas mababang krimen ng katiwalian at hindi sa pinakamabigat na kaso ng pandarambong na ang parusa ay habambuhay na pagkabilango. âIf convicted of a corrupt practice, Estrada will virtually walk out of court a free man; but if convicted of plunder, he has to serve at least 20 years," ayon sa senadora sa isang pahayag nitong Martes. Paliwanag ni Santiago nakasaad sa Republic Act No. 3019, o the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na ang parusa sa katiwalian ay pagkakakulong ng mula anim na taon at isang buwan hanggang 15 taon. Hindi na rin maaaring tumakbo sa anomang posisyon sa gobyerno ang akusado at kukumpiskahin ang kanyang ari-arian. Samantala, idinagdag ni Santiago na sa kasong pandarambong (R.A. No. 7080 o Penalizing Plunder), kailangang patunayan na inabuso ng akusado ang kontrata o proyekto ng gobyerno, mga ari-arian ng pamahalaan at ginamit ang kanyang posisyon para isagawa ang krimen. "The Sandigan will not convict him of plunder, because the charge mainly refers to private funds consisting of alleged jueteng kickbacks. By contrast, plunder mainly refers to malversation of public funds, or raids on the public treasury," paliwanag ni Santiago. At dahil mahigit anim na taon nang nakakulong si Estrada habang nililitis ang kaso, sinabi ni Santiago na sa ilalim ng Penal Code ay dapat ibawas ang araw ng kanyang pagkakapiit sa sentensiya na igagawad ng korte sa akusado. "If his sentence is not more than six years, since he has already been detained for six years, he walks," ayon kay Santiago. "I arrived at this educated guess by the process of elimination. Both an outright acquittal and a plunder conviction will be disastrous for political stability and the national economy." Tanggapin ng mapayapa ang hatol Samantala, umapela si Senate President Manny Villar Jr sa mamamayan na maging mapayapa at hayaang umiral ang katarungan sa araw na ibaba ng korte ang hatol kay Estrada. "I call on our people to exercise sobriety in the midst of this fractious moment as a mature race, knowing that the wheels of justice are moving," ayon kay Villar. Higit na dapat bigyan umano ng halaga ang pinakamataas na interes ng bansa sa pagharap sa isa pang kritikal na yugto sa demokratikong proseso ng Pilipinas. "Time has a way of laying down historical truths, putting them into perspective, and vindicating protagonists," pahayag ni Villar na pabor na palayain na si Estrada. Si Villar ang Speaker sa Kamara de Representante noong Nob. 13, 2000 na nag-apruba na ipasa sa Senado ang Articles of Impeachment matapos pirmahan ng 115 kongresista ang reklamo laban kay Estrada. Ipinaliwanag ni Villar na ginawa lamang n'ya ang tungkulin nang panahong iyon bilang lider ng Kamara. Hindi pa tapos ang laban Kaugnay nito, sinabi ni Akbayan Rep. Ana Theresia Hontiveros na ang Supreme Court (SC) at hindi ang Sandiganbayan ang makakapagbigay ng kapani-paniwalang pagwawakas sa kabanata ng plunder trial ni Estrada. Paliwanag ni Honteveros, may âkulay" ang magiging hatol ng Sandiganbayan sa Miyerkules dahil batid umano ang pakikialam ng Malacanang sa paglilitis sa kaso ni Estrada. "Akbayan is not at all disposed to view the Sandiganbayan decision as the means to provide closure to a case that has clearly divided the nation. The decision would be tainted, crippled as it is by the Arroyo administration's self-interests," ayon sa kongresista. Maaaring umapela ang kampo ni Estrada sa SC sakaling guilty ang magiging hatol ng Sandiganbayan. Live media coverage pinayagan Ikinatuwa naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang desisyon ng SC na payagan ang live media coverage sa promulgasyon ng hatol kay Estrada. Ayon kay Jose Midas Marquez, tagapagsalita ng SC, ang public information office ng SC ang maglalagay ng video camera sa loob ng silid ng Sandiganbayan Special Division kung saan babasahan ng hatol ang dating pangulo. Ang mga tauhan lamang ng SC-PIO ang mag-ooperate sa camera pero maaaring kumabit ang mga television networks para mai-broadcast ang video footage. "The Supreme Court en banc has just decided to grant the urgent motion of the KBP through its president, Butch Canoy," paliwanag ni Marquez. Sa isang pahayag sinabi ni Jose Torres, chairman ng NUJP, muling ipinakita ng SC ang malasakit sa kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng publiko na makakuha ng tamang impormasyon. "The coverage the Supreme Court granted is still very limited but in responding favorably to the petition, it upheld the right of the people to information on such an important and historic issue and ensured the timely and speedy delivery of the information," dagdag ni Torres. Sinabi naman ni Sandiganbayan Sheriff Ed Urieta na susundin nila ang desisyon ng SC at hahanapan ng puwesto kung saan ilalagay ang camera. "Titingnan namin kung saan magandang ilagay ang camera at pati na ang technical requirements para sa mga TV stations ... at foreign press," sabi ni Urieta. - Fidel Jimenez, GMANews.TV