Filtered by: Topstories
News
BUKING

Modus na 'ipit-sukli' sa kilikili, nabulilyaso dahil sa CCTV


Nabulilyaso ang plano ng isang babae na makakupit ng P100 sukli sa tindahan sa pamamagitan ng pag-ipit ng pera sa kilikili. Ang eksena, nakunan sa closed-circuit-television camera.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video footage sa tindahan kung saan madidinig na pagtatanong ang namimiling babae tungkol sa tsokolateng pang-champorado.

Nang bentahan ang babae ng isang supot ng tablea na halagang P40, nagbayad ang babae ng P500.00.

Nang suklian na, isa-isang binilang ng tindero ang sukli sa palad ng babae.

Pero huli sa CCTV ang mabilis at pasimpleng pag-ipit ng babae ng pera sa kanyang kilikili.

Maya-maya pa, humirit na ang babae na kulang daw ng P100 ang natanggap niyang sukli.

Pero hindi kaagad bumigay ang tindero at ipinilit nito na tama ang sukli at binilang niya sa harap ng babae.

Mapapansin sa footage na tila hindi mapakali ang babae hanggang sa tila makita na nito na mayroong CCTV.

Dahil dito, pasimple na namang dumiskarte ang babae na kinuha ang pera sa kaniyang kilikili, inilaglag sa gilid ng puwesto, at kunwaring siya rin ang nakakita at saka umalis.

Ayon sa ulat, hindi pa malinaw kung saang palengke nakunan ang video, na iniupload sa Facebook, at may petsang February 2.

Lumabas ang video noong Martes at mayroon na itong halos dalawang milyong views. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam