Filtered by: Topstories
News

Immigration policy ni Trump, nagdudulot ng pangamba sa mga Pinoy 'TNT' sa Hawaii


Nagpahayag pangamba ang mga hindi dokumentong Pinoy sa Hawaii na bigla silang pabalikin ng Pilipinas dahil sa naging deklasyon ni US President Donald Trump na paaalisin ang mga illegal immigrant.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing maraming undocumented immigrant sa US at mga estado gaya ng Hawaii, ang napagkalooban ng special working visa at pinayagang manatili dahil sa mga ipinalabas na Executive Order ni dating US President Barrack Obama.

Kabilang sa EO na ito ni Obama ay ang paglikha ng Deferred Action for Childhood Arrivals Program o DACA, na naglalayong matulungan ang mga undocumented immigrant.

Sa ilalim umano ng DACA, pinayagan ang mga undocumented immigrant na nasa 18-anyos pababa na nasa Amerika at kanilang teritoryo na manatili at mabigyan ng work permits.

Pero dahil sa pahayag ng bagong US president na si Donald Trump na paaalisin niya ang lahat ng illegal immigrants lalo na ang mga may criminal records, kinakabahan ang mga Pilipinong undocumented o TNT, na baka tanggalin ang DACA at pauwiin ang mga nakakuha nito.

Aminado si Dr. Amy Agbayani, chairperson ng Hawaii Civil Rights Committee, na magiging malaking problema kapag inalis ang DACA na maaaring mangyari kapag ibinasura ang EO na lumikha nito.

Ayon sa HCRC, ang Hawaii ang isa sa mga estado na may pinakamalaking populasyon ng Pilipino na naninirahan sa Amerika bukod sa California.

Batay sa Homeland Security ng US, sa Hawaii din umano makikita ang pinakamaraming tinatawag na TNT o tago nang tago.

Saad pa ng HCRC, halos araw-araw umano ay tinatayang 8,000 Pilipino ang nagma-migrate sa Hawaii, at halos 80 porsyento ng mga Pinoy dito ay mga Ilokano.

Karamihan daw sa mga hotel staff sa Waikiki at iba pang bahagi ng Hawaii ay mga Pinoy.

Pero kahit daw sila TNT, malaki pa rin ang kontribusyon ng mga Pinoy sa ekonomiya ng Hawaii, maging sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kanilang dollar remittances.

Nangangamba rin ang HCRC,  na baka maging ang mga Pinoy na nag-a-aplay o nabigyan na ng US Visa dahil sa pagiging highly skilled ay maapektuhan ng immigration policies ni Trump.

Gayunman, nauna nang sinabi ng US State Department at maging ng US Embassy sa Pilipinas, na walang dapat ikabahala ang mga Pilipino dahil hindi sila kasama sa immigration ban. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT