Mag-anak, pinagtataga habang natutulog sa bahay; mag-ina, patay
Patay ang isang ginang at dalawang-taong-gulang niyang anak matapos silang pagtatagain sa loob ng kanilang bahay sa Macabebe, Pampanga. Ang padre de pamilya, malubha namang nasugatan.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sarah Perez at anak na si James Sanjo.
Nagtamo naman ng malubhang sugat at kailangan pang sumailalim sa operasyon ang padre de pamilya na si Jojo Perez.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang mag-anak ay pinagtataga habang natutulog sa kanilang bahay ng suspek na si Michael Lazaro.
Nadakip ng mga awtoridad si Lazaro nitong Huwebes pero tumanggi itong magbigay ng pahayag.
Ayon sa pulisya, bago mangyari ang krimen ay nag-inuman pa kasama ang ilang kaibigan sina Lazaro at Jojo, na parehong katiwala sa palaisdaan.
Matapos ang inuman, nag-alisan na ang grupo pero bumalik umano si Lazaro sa bahay ng mga biktima at isinagawa ang krimen.
Nakilala umano si Lazaro bilang salarin matapos na mamataan habang paalis sa pinangyarihan ng krimen ng isa pa nilang nakainuman na nakatulog sa ilalim ng kubo. -- FRJ, GMA News