17-anyos na kolehiyala, ni-rape umano at brutal na pinatay sa Cavite
Natagpuan ang putol-putol na bahagi ng katawan ng isang 17-anyos na babae sa gilid ng isang kalsada sa Trece Martires, Cavite. Ang biktima, ginahasa rin umano ng salarin na dati raw nobyo ng dalaga.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Mitzi Joy Balunsay, 17-anyos, incoming 2nd year tourism scholar sa Cavite State University.
Nadakip naman ng mga awtoridad nitong Sabado ng umaga ang suspek sa karumal-dumal na krimen na si Alvin delos Angeles, na kasama ng biktima sa teatro.
Ayon sa pulisya, inamin ni Delos Angeles ang pagpatay at paggahasa kay Balunsay, na dati raw niyang kasintahan.
Dakong 8:00 a.m. nitong Biyernes nang makita ang putol-putol na katawan ni Balunsay na nasa loob ng isang karton sa isang subdivision sa barangay De Ocampo sa Trece Martires.
Madaling nakilala ng mga pulis ang biktima dahil nasa kahon din ang I.D. at mga gamit pang-eskwela ng dalaga.
Sa awtopsiya, lumabas na ginahasa rin ang biktima at pinatay sa pamamagitan ng pagsakal at saka pinagputol-putol ng salarin.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, isang gabi bago mangyari ang krimen, nag-text ang ang dalaga gamit ang ibang cellphone at nagpaalam na makikitulog sa kaibigan dahil maaga umanong mag-e-enroll kinabukasan.
Ito na ang huling pakikipag-ugnayan nila ng biktima.
Sa panayam ng GMA News sa suspek, itinanggi nito ginahasa niya ang biktima.
Naging karelasyon daw niya ang dalaga nang apat na buwan at nakipaghiwalay sa kanya.
"Dumilim paningin ko, nagtalo kami, nagkasagutan, hanggang sa nagkasakitan kami, hanggang sa umabot sa ganun," ayon kay Delos Angeles.
Humihingi siya ng patawad sa mga magulang ng biktima at sa mga kasama sa teotro sa kaniyang nagawa.
Ang ama ng biktima, labis ang galit sa suspek.
"Napakasama mong tao, dapat hindi ka mabuhay sa mundong ito. Napakabait ng anak ko, ang kasalanan lang ng anak ko nagtiwala sa'yo," hinanakit niya.
Bagaman hinihinala ng pulisya na hindi nakadroga si Delos Angeles, isasailalim pa rin siya sa drug test. -- FRJ, GMA News