Pagnanakaw sa gadget ng bata sa loob ng mall, nahuli-cam
Hindi pinatawad ng mga kawatan na gumagala sa mall ang isang bata na kasama ng kaniyang ina na namimili sa Bulacan. Ang gadget ng bata na nasa loob ng bag, tinangay.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa surveillance camera sa loob ng tindahan habang tumitingin ng damit ang ina at kaniyang anak, na may nakasabit na bag sa likod.
Hindi nagtagal, isang lalaki ang sumulpot sa likod ng bata na may hawak ng damit na ipinantakip habang pinupuntirya ang bag ng biktima.
Maya-maya pa, isang babaeng kasabwat ang nakisiksik din at siyang kumuha sa "tablet" ng bata sa bag at mabilis na ipinasa sa lalaki at saka umalis.
Ayon kay Youscooper Charissa, na ina ng bata, napa-blotter na nila sa pulis ang insidente.
Payo ng mga awtoridad sa publiko ngayong kapaskuhan, doble-ingat sa mga kawatan kahit saang lugar na namimili-- sa mall man o palengke.
At para hindi maging biktima, mas makabubuti umanong ilagay ang bag sasa harap ng katawan at iwasang ibulsa sa likod ng pantalon o shorts ang wallet at gadgets.
Huwag na rin umanong magsuot ng mamahaling alahas at laging maging alerto sa paligid. -- FRJ, GMA News