Nahuli-cam: Lalaking bumibili lang sa tindahan, patay sa pamamaril
Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pamamaril sa isang lalaki na bumibili lang sa isang tindahan sa Pasay City nitong Miyerkules ng madaling araw.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balita Pilipinas," ipinakita ang kuha ng CCTV sa barangay 147 sa nabanggit na lungsod habang nakatayo sa tindahan ang biktimang si Jenlet Buenaventura, alyas Totoy, dakong 1:00 a.m.
Hindi nagtagal, isang lalaking naka-helmet ang lumapit sa biktima at basta na lang siya pinagbabaril.
Dalawang motorsiklo din ang tumigil sa tapat ng tindahan at muling pinagbabaril ang nakatumba nang biktima.
Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang salarin.
Ayon sa barangay, suma-sideline umano ang na construction worker.
Pahayag naman ng tindera, bumili ng softdrinks at sigarilyo ang biktima bago ito barilin ng mga tumakas na salarin.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen. -- FRJ, GMA News