Gitnang Visayas, tinatawid ng bagyong Marce
Tinatawid ng Tropical Storm Marce ang gitnang Visayas, dala ang malalakas na ulan na nagbabanta rin sa silangang bahagi ng Luzon bunsod ng pagsasalubong ng malamig na hanging Amihan sa mainit na hangin (Easterlies) mula sa Pacific Ocean.
Dakong alas-10 ng umaga nitong Biyernes, namataan ang gitna ng bagyo sa layong 90 km kanluran-timog-kanluran ng Roxas City, Capiz.
Dala ni "Marce" ang lakas ng hanging aabot sa 65 kph at bugso na aabot sa 110 kph malapit sa gitna.
Tinatayang kikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 22 kph at lalabas sa Philippine Area of Responsibility maaga sa darating na araw ng Linggo.
Dakong alas-11 ng umaga nitong Biyernes, nakataas ang Storm Signal 2 sa mga sumusunod na mga lugar na maaaring makararanas ng daluyong at malalakas na hanging aabot sa 120 kph sa loob ng 24 oras:
- Romblon
- Calamian Group of Islands
- Southern Occidental Mindoro
- Southern Oriental Mindoro
- Iloilo
- Capiz
- Aklan
- Northern Antique
Samantala, Storm Signal 1 naman ang nakataas sa mga sumusunod na lugar na maaaring makararanas ng lakas ng hanging aabot sa 60 kph sa loob ng 36 oras:
- Northern Palawan, including Cuyo Island
- Rest of Oriental Mindoro
- Rest of Occidental Mindoro, including Lubang Island
- Masbate, including Burias and Ticao Island
- Negros Occidental
- Nalalabing bahagi ng Antique at Guimaras
—LBG, GMA News