2 tricycle driver at 1 babae, patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Caloocan
Nababahala umano ang ilang residente sa Bagong Silang, Caloocan sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa kanilang lugar. Ang pinakahuling mga biktima, dalawang tricycle driver na namamasada at isang babae.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing namamasada ng tricycle ang mag-live-in partner na sina Michael Dauz at Jennifer Mendoza nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa kilalang suspek sa Phase 9, Package 1 sa barangay 176 sa Bagong Silang, North Caloocan nitong Martes ng gabi.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang dalawang biktima na hinabol pa umano ng mga salarin na nakamotorsiklo.
Ayon sa isang residente, nakita pa niya sa pilahan ng mga tricycle ang mga biktima bago napatay.
Madilim umano sa lugar at wala ring CCTV sa lugar kung saan binaril ang mga biktima.
Ayon sa mga kaanak at kakilala ng mga biktima, hindi umano gumagamit o nagtutulak ng shabu ang dalawa.
Pero sa impormasyon na nakalap ng barangay na nakasasakop sa lugar, sangkot daw sa pagtutulak ng droga ang mga biktima.
Samantala, binaril din at pinatay ang tricycle driver na kilala sa alyas na "Soneyo" sa Phase 1 ng parehong lugar.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, nag-aabang lang ng pasahero ang tricycle driver nang pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo.
Ang ilang residente umano ang naaalarma na sa mga nangyayaring patayan lalo pa't limang naglalaro ng cara y cruz at isang napadaan na tanod ang pinagbabaril din nitong nakaraang Lunes .
Tatlo sa mga biktima ang namatay. -- FRJ, GMA News