Filtered By: Topstories
News
'BUMBE-HERO'

Bumbero, isinugod sa ospital matapos sagipin ang ilang residente, kabilang ang isang bata


Tapat na ginampanan ni Fire Officer 2 Florencio Asonza ang kaniyang tungkulin bilang bumbero nang itaya niya ang sariling kaligtasan nang alisin ang suot na breathing apparatus at ilagay sa bata na kabilang sa kaniyang mga iniligtas mula sa nasusunog na gusali sa Quezon City kamakailan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kabilang si Asonza sa mga bumbero na binigyan ng pagkilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa ipinamalas nilang kabayanihan sa pagsagip sa ilang residenteng naapektuhan ng nasunog na Francheska Tower condominium.

Kabilang sa mga nasagip ni Asonza sa naturang sunog ang mahigit isang-taong-gulang na si Liam at mga magulang nito.

Nang sagipin ni Asonza ang bata, inalis niya ang kaniyang breathing apparatus at inilagay sa paslit para makahinga mula sa usok ng nasusunog na gusali.

Matapos magampanan ni Asonza ang kaniyang tangkulin, siya naman ang dinala sa Chinese General Hospital dahil hindi niya kinaya ang nalanghap na usok.

Binabantayan sa ospital si Asonza dahil sa carbon monoxide poisoning na nakaapekto sa daloy sa kaniyang dugo na nakaapekto sa kaniyang puso.

Nitong Huwebes, ipinagkaloob ni DILG Sec. Ismael Sueno, sa naka-confine na si Asonza ang "Medalya ng Kabayanihan," ang ikalawang pinakamataas na pagkilala sa mga bumbero.

Labis naman ang pasasalamat ng mga magulang ng pamilyang iniligtas ni Asonza.

Binigyan naman ng DILG ng "Medalya ng Kadakilaan" ang mga bumbero na sina SFO3 Bernardo Soriano, SFO1 Carmelo Eugenio, SFO1 Ernesto Belecario, FO3 Bill Astudillo, at FO1 Christopher Gaor.

Naging makapigil-hininga ang pagsagip nila sa mag-ina na tinulungan nilang makatawid sa kabilang gusali gamit ang steel bar mula sa nasusunog na condo building.

Nasa ika-walong palapag ng gusali ang mag-ina na kinabitan nila ng "life line" para masiguro ang kaligtasan sa pagtulay sa bakal tungo sa kanilang kaligtasan. -- FRJ, GMA News

Tags: hero, goodnews