Si Brei, ang asong gala at galisin noon, isang napakagandang aso na ngayon
Mula sa pagiging asong gala na galisin, kalbo at payatot, naging isang maganda at mabalahibong aso si Brei matapos siyang ampunin at gamutin ng isang lalaking mapagmahal sa mga hayop.
Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabi na nitong nagdaang Abril nang matagpuan sa kalye ni Raevin Amante Bonifacio si Brei, na tadtad ng galis, amoy malansa at hirap maglakad dahil namamaga ang paa.
Dahil sa awa, kinupkop ni Raevin ang aso, inuwi sa bahay, inalagaan at pinakain.
Nilinis at ginamot niya ang mga sugat ni Brei at pinaliguan.
Pagkaraan umano ng 15 araw, napansin niya na unti-unti nang naghihilom ang mga sugat ng aso hanggang sa tuluyan nang gumaling.
Saad ni Raevin, bagaman napansin niya na may lahing Husky ang kinupkop niyang si Brie dahil sa kulay ng mata nito, hindi niya inakala na napakaganda nito nang lubusang lumabas na ang makapal nitong balahibo.
Ayon sa Philippine Animal Welfare Society, bagaman tama ang mga herbal remedies na ginamit ni Raevin kay Brie, mas makabubuti umano na ikonsulta pa rin sa beterinaryo ang mga sasagiping aso para makasiguro lalo na kung malubha ang kalagayan.
Naging viral sa social media ang kuwento ni Brei at pati na ang ginawang kabutihan ni Raevin sa asong gala.
Umaasa si Raevin na sa pamamagitan ng kuwento ni Brei ay makapagbibigay siya ng inspirasyon sa marami pang iba na mag-ampon ng mga inabandonang hayop. -- FRJ, GMA News