Filtered By: Topstories
News
ALAMIN KUNG BAKIT

'Fotobam,' hinirang na Salita ng Taon 2016


Hinirang bilang Salita ng Taon 2016 ang salitang “Fotobam” sa ikalawang araw ng Pambansang Kumperensiya sa Wika: Wikang Filipino bilang Wikang Siyentipiko at Sawikain 2016, na ginanap nitong Huwebes, Oktubre 6, sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Kabilang din sa mga naging kalahok sa Salita ng Taon ang “netizen,” “hugot,” “founding,” “lumad,” “tukod,” “viral,” “meme,” “bully,” at “milenyal.”

Pinipili ang Salita ng Taon base sa kabuluhan ng salita sa buhay ng mga Pilipino at sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan.

Isinasaalang-alang din ang lalim nang saliksik sa salita at ang paraan ng presentasyon nito sa kumperensiyang dinaluhan ng mga dalubhasa sa wikang Filipino.

 

 

Ipinagtanggol ng kilalang propesor ng kasaysayan na si Michael Charleston 'Xiao' Chua ang naturang salita dahil sa kaugnayan nito sa isang malaking isyu sa bansa noong nakaraang taon—ang pagiging “Pambansang Fotobam” ng itinatayong gusali na Torre de Manila sa monumento ng Pambansang Bayani na si Jose Rizal sa Luneta Park.

Nagmula umano ang “Filipinized” na baybay ng “Fotobam” sa isang dokumentaryong gawa ng mag-aaral na si Carl Angelo Ruiz.

“Ito ay isang salita na hindi lamang tungkol sa paglilitrato ng mga milenyal kung saan may asungot o sagabal o paningit o panira—hindi na lamang 'yon. Noong tinawag na 'Pambansang Fotobam' ang gusali sa likod ng isang monumento, agad na-pick up ng tao ang isyu,” ayon kay Chua.

Dagdag pa niya, “Naitanong natin dahil sa isyu na ito: 'Ano ba ang mahalaga para sa atin? Ano ang saysay nito? Paano ba natin dapat pagpugayan ang ating mga bayani?' Hanggang sa umabot ang isyu sa Korte Suprema. Nasama na ang legalidad, ang opinyon ng tao.”

Naniniwala si Chua na hindi man kasing-sikat ng iba pang mga salitang kalahok, isang magandang salamin ang “Fotobam” hindi lamang sa wikang Filipino kung hindi maging sa mayamang kultura at kasaysayan ng bansa.

Paliwanag ng propesor, “It goes beyond being sikat. Nagkaroon siya ng significance sa kultura natin at sa ating kasaysayan. Hindi nga masyadong nagamit ito, until ipasok sa Salita ng Taon."

"Nagpapasalamat kami, especially ang Knights of Rizal na nagsusulong ng isyu na ito, na nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng ganitong patimpalak at ma-highlight muli ang isyu,” dagdag pa niya.

Kasabay ng pagkakapili sa “Fotobam” bilang Salita ng Taon, umaasa ang propesor na muling mabubuhay ang usapin tungkol sa pagiging “Pambansang Fotobam” ng Torre de Manila sa monumento ni Rizal sa Luneta Park.

Nitong nakaraang taon, nakarating na sa Korte Suprema ang reklamo laban sa DMCI Homes, na siyang nasa likod ng pagpapatayo ng nasabing condominium.

Pansamantang ipinatigil ng SC ang konstruksiyon ng gusali kasunod ng temporary restraining order na hiniling ng Order of the Knights of Rizal.

Ayon kay Chua, “Siguro magandang paalala ito na...napakahalagang isyu pa rin nitong 'Pambansang Fotobam.' Anoman ang maging desisyon ng korte, itong pagkapanalong ito ang nagsesemento ng kahalagahan ng isyu sa ating lipunan at edukasyon.”

“Sana ay patuloy na pag-usapan ang isyu na ito at ang kahalagahan nito sa atin. Ang isyung ito ay nagpapakita kung gaano ba kahalaga sa atin ang kasaysayan natin, ang kultura natin, ang pamana natin, paano natin papahalagahan ito, at kung paano natin pagpupugayan ang ating mga bayani,” pagtatapos niya.

Bukod sa karangalan ng pagiging Salita ng Taon, nakuha rin ng “Fotobam” ang People's Choice award, na pinagbotohan ng mga dumalo sa  Pambansang Kumperensiya sa Wika: Wikang Filipino, bilang Wikang Siyentipiko at Sawikain 2016.

Hinirang naman sa ikalawang puwesto na Salita ng Taon ang “Hugot,” na ipinagtanggol ni Junilo Espiritu; habang ikatlong puwesto ang nakuha ng “Milenyal,” na ipinagtanggol ni Jasyon Petras. -- FRJ, GMA News