Ginang at 17-anyos niyang anak, pinasok at binaril sa loob ng kanilang bahay
Patay ang isang mag-ina sa Rodriguez, Rizal matapos silang pasukin at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay habang natutulog ng mga lalaking may takip ang mukha nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang mag-inang biktima na sina Mary Grace Blando, 31-anyos, at anak niyang si Rodgie Boy, 17-anyos.
Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, apat na lalaki na may takip ang mukha at nakasakay sa dalawang motorsiklo ang tumigil umano sa bahay ng mag-ina sa barangay San Jose.
Bumaba umano ang dalawang lalaking naka-angkas at pumasok sa bahay ng mag-ina at pinagbabaril ang mga ito hanggang sa mapatay bago tumakas ang mga salarin.
Ayon sa ina ni Mary Grace, natutulog ang mag-ina nang pagbabarilin.
Kasama naman sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen ang anggulo ng droga. Ito ay matapos na may nakitang pitong sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia sa bahay ng mag-ina.
Pero paliwanag ng ina ni Mary Grace, pagtitinda ng gas ang pinagkakakitaan ng kaniyang anak.
Gayunman, hindi niya masabi kung gumagamit ng droga ang kaniyang anak dahil hindi raw ito ipapaalam sa kaniya. -- FRJ, GMA News