Filtered By: Topstories
News

2 'small time user,' kabilang sa 4 katao na nadagdag sa mga napapatay dahil daw sa droga


Dalawang gumagamit umano ng iligal na droga sa Sampaloc, Maynila ang napatay ng mga pulis matapos na manlaban umano. Dalawang lalaki pa ang napatay ng mga hindi naman nakikilalang salarin sa Caloocan at Parañaque.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali," sinabing napatay ng mga pulis ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na nagdo-droga umano sa isang barung-barong na ginagawang shabu den ng mga "small time user" sa West Vigan Paltok sa Sampaloc nitong Martes ng madaling araw.

Nagtungo umano sa lugar ang mga pulis matapos silang makakuha ng impormasyon mula sa mga residente na may mga taong gumagamit ng droga sa lugar.

Nang dumating ang mga pulis ang lugar, nagpaputok na umano kaagad ang dalawang lalaki.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad kaya napatay ang dalawa na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nakuha sa kanila ang dalawang caliber 38 na baril at anim na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa mga awtoridad, lungga ng mga small time drug addict ang naturang lugar.

Patuloy na inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki.

Samantala, namamasada naman ang tricycle driver na si Mart Abla nang bigla siyang pagbabarilin ng mga salarin na nakamotorsiklo sa barangay 149 Bagong Barrio sa Caloocan City nitong Lunes ng hatinggabi.

Aminado ang misis ng biktima na gumagamit ng droga ang kaniyang mister pero tumigil na raw ito.

Iginiit din niya na hindi nagtutulak ng droga ang kaniyang asawa kaya wala siyang malamang dahilan para ito patayin.

Ayon sa mga barangay tanod, si Abla ang ikalawang biktima ng pamamaril sa kanilang lugar ngayong Agosto.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.

Sakay din ng motorsiklo ang mga bumaril at pumatay sa barker na si Luis Bravante sa MIA Road sa barangay Tambo sa Paranaque City nitong Martes ng gabi.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen pero inamin ng asawa ng biktima na dati itong nagtutulak ng iligal na droga.

Gayunman, sinabi ng ginang na sumuko na raw ang biktima sa "Oplan Tokhang" ng pamahalaan. -- FRJ, GMA News

Tags: warondrugs