Guro sa Davao City, patay sa pananaksak ng mister dahil umano sa selos
Patay ang isang babaeng guro sa Davao City matapos pagsasaksakin umano ng kanyang mister nang dahil daw sa selos.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, inabutan ng mga kapitbahay na wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay sa Toril, Davao City ang 32-anyos na guro na si Jacky Lou Gange.
Itinuturong salarin sa krimen ang mister ng biktima na si Armando Gange, na hindi na inabutan sa bahay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang pananaksak ay narinig umano ng mga kapitbahay na nagtatalo ang mag-asawa.
Humingi pa raw ng tulong ang biktima sa mga kapitbahay pero wala na itong buhay nang kanilang puntahan.
Matapos umanong gawin ang krimen, sumugod pa ang suspek sa paaralang pinapasukan ng hinihinalang kalaguyo ng kaniyang misis at doon na siya naaresto ng mga pulis.
Inamin ni Armando ang krimen at sinabing nakainom siya at hindi na napigil ang matinding galit.
Humingi siya ng patawad sa mga kaanak ng kaniyang asawa dahil sa nagawa niyang krimen.
Desidido naman ang kaanak ng biktima na ituloy ang kaso laban kay Armando. -- FRJ, GMA News