Filtered By: Topstories
News

Mag-asawang Tiamzon ng NDF, pinalaya na


Nakalaya na nitong Biyernes ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon ng National Decmoratic Front, matapos pagbigyan ng mga korte ang kanilang mga petisyong makapagpiyansa upang makalahok sa nalalapit na usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway sa pagitan ng pamahalaan at mga Komunista.

Nakalabas ng selda ang mag-asawa dakong 11:30 ng umaga.

Lumabas sila ng Camp Crame sa Quezon City lulan ng isang pulang sasakyan na may plate number na "8" na para lamang sa mga mambabatas sa Kamara.

Napag-alaman mula kay Anakbayan national chairperson Vencer Crisostomo na ang sasakyan ay pagmamay-ari ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao.

Huminto sandali sa may main gate ng Camp Crame ang mga Tiamzon upang batiin ang kanilang mga taga-suporta na nagtipon-tipon doon.

Isa umano sa mga suporter ang bumati kay Benito sa pagsasabing "Buhay pa!"

Pinasalamatan din ng mga Tiamzon si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanilang paglaya para sa peace talks na idadaos sa Oslo sa darating na ika-22 ng Agusto.

"Nagpapasalamat kami kay Presidente Duterte na maibabalik sa tamang landas ang usapang pangkapayapaan. Kailangang mapaksa ang mga makabuluhang usapin sa ating lipunan at mga batayan kung bakit mayroong digmaan na nangyayari," pahayag  ni Wilma sa harap ng kanilang mga taga-suporta.

Pahayag naman ni Benito, "Kami ay nagpapasalamat kay Presidente Duterte sa pagpapalaya sa amin at sa pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan para pag-usapan ang mga malalimang reporma sa lipunan, sa ekonomiya, sa pulitika na kinakailangang para bigyang wakas ang armadong labanan."

"Sa kabuuan, kami ay malaki ang tiwala na susulong at makakamit ang mga pagkakasundong pangkapayapaan para makamit ang mga repormang panlipunan. Alam namin na maraming hamon, sagka na kailangang igpawan para magtagumpay ng lubos ang usapang pangkapayapaan," dagdag niya.

Bago palayain ang mag-asawa, nagdaos ng rally ang mga militanteng grupong Gabriela, Anakbayan, Anakpawis, Courage, Piston, Karapatan, at iba pa bilang supota sa mag-asawa.

“Masaya kami na nakalaya na yung mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon, kasama nung iba pang consultants na pinalaya in the past days para makasama sila sa usapang pangkapayapaan," pahayag sa GMA News Online ni Aya Santos, public informaton officer ng grupong Karapatan.

Samantala, sa isang pahayag, sinabi ni NDF panel legal consultant Atty. Edre Olalia na si Benito at Wilma ay kabilang sa mga lalahok sa Oslo peace talks.

Si Benito ay chairman ng Communist Party of the Philippine at si Wilma naman ang secretary general ng partido.

Kabilang sila sa 22 na consultants na pinangalanan ng the NDF, ang political wing ng CPP.

Matatandaang nahuli ang mga Tiamzon noong 2014, isang linggo bago magdiwang ang NPA (ang armadong sangay ng CPP) ng ika-45 anibersaryo nito sa ika-29 ng Marso sa taong iyon.

Nahaharap sa maraming bilang ng kasong murder sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang mag-asawa kaugnay ng umanoy pagpaslang sa maraming tao. Ibinaon ang mga labi ng mga biktima sa isang mass grave na nahukay noong 2006.

Ipinag-utos ng Manila RTC branch 32 ang pansamantalang paglaya ng dalawa sa pamamagitan ng paglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P100,000.

Nahahrap din sa kasong kidnapping at serious illegal detention ang mga Tiamzon sa Quezon City RTC Branch 81.

Nag-ugat ang kaso sa pagdukot at pagbihag ng NPA sa loob ng dalawang buwan sa apat na sundalo noong 1988.

Nauna nang sinabi sa GMA News Online ni Atty. Rachel Pastores, managing counsel ng Public Interest Law Center at legal counsel ng mga Tiamzon, na pinagbigyan ng mga korte kung saan may kaso ang dalawa ang kanilang apela upang makapagpiyansa. —LBG/GMA News