Ilang kapus-palad na bata na nais mag-aral, ilalim ng tulay ang nagsisilbing silid-aralan
Hindi pangkaraniwan ang ginawang pagtulong ng ilang guro sa mga mahihirap na kabataan na nais makapag-aral pero hindi makapasok sa paaralan sa Parañaque City. Ang kanilang nagsisilbing silid-aralan, ang ilalim ng tulay.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing ang ilalim ng tulay sa La Huerta, Parañaque ang nagsisilbing paaralan ng mga paslit na nakatira sa lugar pagpatak ng 4:00 ng hapon.
Ang kanilang mga guro, boluntaryong nagtuturo matapos ang kanilang regular na klase sa paaralan sa pangunguna ng public school teacher na si Fe Matullano-Lustanas.
"Ang mga kabataang ito, ito yung playground nila, yung realidad na lagi nilang pinupuntahan sa araw araw," ani teacher Fe. "Yung iba rito, hindi pa nakaranas na makapasok sa formal school.
Sinimulan ni teacher Fe ang "Education Under the Bridge Program" kasama ang kaniyang asawa dahil hindi sila nabiyayaan ng anak.
Ayon kay teacher Fe, ang kaniyang mga estudyante na ang kaniyang nagsilbing mga anak kaya lalo silang nagpursige sa naturang programa.
Aniya, may mga bata pa rin na kahit nasa grade 5, grade 6 ay hindi pa rin lubos na marunong magbasa.
Batay sa 2013 function literacy, education and mass media survey, lumabas na isa sa kada sampu, o apat na milyong kabataang Pinoy ang tinuturing na out-of-school-youth.
Kaya naman kung hindi raw kaya ng mga kabataan na pumasok sa paaralan, sina teacher Fe at mga kasama niyang boluntaryo na ang magtutulay ng edukasyon sa kanila.
Sa kanilang pagpupursige at pagsisipag na puntahan ang mga batang maralita, ang mga alaga nilang bata gaya ni Jessie, hindi nawawalan ng pag-asa at nananatiling buhay ang pangarap.
"Duktor, para makatulong sa mga may sakit," tugon ng batang si Jessie nang tanungin kung ano ang pangarap niyang maging paglaki. -- FRJ, GMA News