Paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, mas mabilis sa China sa unang bahagi ng 2016
Nakapagtala ng 6.9 percent na paglago ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa unang tatlong buwan o first quarter ng 2016, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ang naturang paglago ay mas mataas mula sa naitalang five percent noong 2015.
Idinagdag ng NEDA, na ang naitalang paglago sa unang bahagi ng 2016 ay pinakamataas na antas ng paglago mula sa second quarter ng 2013.
Ito rin daw ang pinakamabilis na paglago sa mga ekonomiya sa Asya na mas mabilis sa 6. 7 percent ng China at 5.5 percent ng Vietnam.
Ang GDP ay ang kabuuang halaga ng produkto at serbisyong nagawa sa bansa na ginagamit na sukatan sa paglago ng ekonomiya.
Pinakamaganda umano ang ipinakitang performance ng services at industry sector pero bumaba ang sektor ng agrikultura dahil sa epekto ng El Niño.
Tiwala ang NEDA na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya na nagawa ng administrasyong Aquino sa pagpasok ng liderato ng susunod na pangulo na si Mayor Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, ipinagtanggol ni Duterte ang kaniyang "economic agenda" na pinupuna ng ilan na katulad lang daw ng programa ni Aquino at kapos sa ipinangako niyang sosyalismo noong panahon ng kampanya.
Basahin: Duterte defends 8-point economic agenda
"What do you want? The color of communism?," tanong ni Duterte sa panayam ni GMA News anchor Jessica Soho.
"Ito ang problema ng hindi nakakaalam of the grasp of how it is. This is my agenda, and the Congress right now, or some of them said, that they would support my economic agenda,' dagdag niya. -- FRJ, GMA News