Ama ng babaeng binaril sa Navotas, may panawagan kay Duterte
Isang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang 27-anyos na babae sa Navotas. Ang ama ng biktima, may panawagan sa susunod na pangulo ng bansa na si Mayor Rodrigo Duterte.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing binaril at napatay sa Navotas Fishport Complex sa barangay NBBN, ang biktimang si Rossielle Torres, nakatira sa Sta. Cruz, Manila.
Kuwento ni Romeo Torres, ama ng biktima, kasama raw ni Rossielle ang nobyo nito at isa pang babae nang pumunta sa nabanggit na lugar.
Pero hindi raw niya alam kung bakit nagpunta sa fishport ang kaniyang anak.
Wala naman daw nais magsalita sa mga taong nasa lugar tungkol sa nangyaring krimen.
Panawagan ni Romeo sa susunod na pangulo na si Duterte, "Sana yung mga ganitong klase ng krimen matigil na, naging biktima na ang anak ko."
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa krimen at ang nasa likod nito. -- FRJ, GMA News