Swimming pool na may ice cubes, pang-akit ng isang resort
Ngayong summer, kani-kanilang gimik ang mga resort para dayuhin ng mga bakasyunista. Ang isang resort sa Bulacan, nilevel-up ang lamig ng tubig sa kanilang wave pool gamit ang ice cubes.
Para sa mga taga-Metro Manila na naghahanap ng lugar na hindi masyadong malayo na puwedeng magtampisaw sa malamig na tubig, perfect na pasyalan ang mga resort sa Bulacan, tulad ng isang nasa bayan ng Marilao.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabing patok ang resort sa mga turista na naghahanap ng malamig na tubig na nais pagbabaran upang labanan ang init ng panahon.
Sino ba naman ang hindi giginawin sa wave pool ng resort sa dami ng yelo na inilalagay dito.
Sa loob umano ng isang oras, puwede ma-experience ng mga turista ang ice cubes na bumabagsak sa swimming pool.
Samantala, kung natural na lamig naman ang hanap, puwedeng dumayo sa beach resort ng Tiwi, Albay na mala-yelo rin daw ang lamig ng tubig na nagmumula pa sa bukal. -- FRJ, GMA News