Filtered By: Topstories
News

19-B pondo vs. epekto ng El Niño, dapat ilabas na —ex-CBCP head


Dapat na umanong ilabas na ng pamahalaan ang P19 bilyon na pondo laban sa epekto ng El Niño, ayon sa isang dating opisyal ng Catholic Bishops Confirence of the Philippines.

Sa panayam sa Radyo Veritas, sinabi ni dating CBCP president at Cebu Archbishop Jose Palma na dapat ang agarang ayuda ngayon ng mga magsasaka na lubhang naaapektuhan ng tag-tuyot.

"Para sa akin, lalo na sa panahon ng calamities,  it’s about time [and] as soon as possible sana nga yung assistance should be given dun sa kanila,” pahayag ni Palma.

Noong nakaraang Biyernes, tatlo ang namatay sa sapilitang pagbuwag ng mga pulis sa rally ng mga magsasaka na nagpunta sa Kidapawan City upang humiling ng ayuda sa lokal na pamahalaan.

Libu-libong mga magsasaka sa probinsya ng Cotabato ang halos hindi na makakakain tatlong beses isang araw dahil sa pananalanta ng El Niño sa kanilang mga sakahan at taniman.

Ayon kay Palma, kahit na kwestiyunable, inaprubahan pa rin ni Pangulong Benigno Aquino III noong nakaraang Disyembre ang P19-bilyong alokasyon para sa mga proyekto laban sa epekto ng mahabang tag-tuyot.

“Tungkol po sa problem ng El Nino at ng kahirapan, dahil po naapektuhan yung mga taniman, alam naman natin na sinasabi ng pamahalaan na may mga pondo at malaki-laki na rin yung natipon," dagdag ni Palma.

Hiniling din ng arsobispo na mai-mobilize ang mga ahensya ng pamahalaan at agarang maibigay ang calamity fund sa mga magsasaka.

Ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ang pitong probinsya, limang lungsod at 24 na bayan na ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa lumalalang epekto ng El Niño.

Nabatid na taong 1997 nang huling maapektuhan ng matinding El Niño ang bansa, halos 74 na libong hektaryang lupang sakahan ang nasira sa 18 na mga probinsya na naramdaman sa Mindanao. Umabot sa 74 katao ang nasawi at halos kalahating milyong mga mamamayan ang nagutom.

Samantala, dapat umano maging "pro-active" ang pamahalaan sa gitna ng kalamidad, gaya ng tag-tuyot.

Ayon kay Caritas Philippines director at Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, “Number one, dapat ang gobyerno pro-active. Alam namang may crisis na ganyan dapat noon pa 'yan. Dapat continuous at masusi silang papansinin at aasikasuhin at pre-emptive [ang pagkilos], ayon kay Tirona.

Dapat din umanong inclusive ang ayuda at para sa lahat ng sektor na apektado.

So, we need a government that responds to the crisis and one that would help all sectors: labor, fisher folk and everyone.  Hindi yung kikilos lang kapag may krisis na,” pahayag ni Tirona sa panayam sa Radyo Veritas.

Ikinaiinis din ng arsobispo ang ikinikilos ng ilang pulitiko na ginagamit ang insidente sa Kidapawan upang mangibabaw ngayong halalan.

Naiintindihan din umano niyang nag-rally ang mga magsasaka dahil sa hindi naiabot ang serbisyong nararapat para sa kanila.

“Dapat talaga imbestigahan [ang madugong dispersal ng rally sa Kidapawan] ... kaya lang naiinis ako diyan sa grandstanding ang mga pulitiko riyan," pahayag ni Tirona.

Dapat din umanong agad na palayain ang mga ikinulong na magsasaka sa Kidapawan.

Pahayag naman ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo, "maaaring kasuhan ng pamahalaan ang mga magsasaka pero dapat hindi ikukulong." — LBG/JST, GMA News