Pinsala ng tagtuyot sa agrikultura ng Zambo Peninsula, P93M —DA
Aabot na sa P93 milyon ang halaga ng mga pananim ang napinsala ng tagtuyot na dulot ng El Niño sa Region 9, ayon sa datos ng Department of Agriculture.
Sa ulat ni GMA News stinger Aude Hampong, sinabi ng DA-9 (Zamboang Peninsula) na noong Pebrero umakyat na sa P93M ang tinatayang halaga ng pinsala na noong Enero ay nasa P70M lamang.
Pinakaapektado umano ang taniman ng palay at sinundan ito ng mais, at sumunod ang high-value crops.
Labis umanong naapektuhan ang probinsya ng Zamboanga Del Sur na may P31,031,085.40 na pagkalugi.
Sinundan ito ng Zamboanga Del Norte na may P27,558,941.00; Zamboanga City P21,719,348.25; at ng Zamboanga Sibugay na may P13,128,325.60.
Aabot sa 33,033 mga magsasaka ang apektado ng El Niño at ang pinakamarami sa kanila—1,180—ay mula sa Zamboanga City.
Ayon sa DA-9, nakapagpatupad na ito ng seeds assistance program para sa mga alternatibong pananim, gaya ng mga gulay na mabilis na tumutubo at nabubuhay kahit mainit ang panahon.
Nakapagpamahagi na rin umano sila ng fertilizer para sa palay sa ilang mga apektadong magsasaka.
Ayon din sa DA-9, tanging ang Zamboanga City lamang sa buong rehiyon ang nakapagsagawa ng cloud seeding operation, na nakatulong umano ng kaunti upang maibsan ang kakulangan sa tubig sa agrikultura doon. — LBG, GMA News