Filtered By: Topstories
News
Sa katanghaling-tapat

Pagholdap sa negosyante habang nasa loob ng kaniyang sasakyan, nahuli-cam


Sa mga naghihintay sa loob ng nakatigil nilang sasakyan, maging maingat. Sa Banawe, Quezon City, isang negosyante ang nilapitan ng dalawang lalaki at hinoldap habang nasa loob ng kaniyang nakaparadang sasakyan kahit tanghaling-tapat.

Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Huwebes, kitang-kita sa kuha ng closed-circuit-television camera ang paglapit ng dalawang lalaki at tinutukan ng baril ang biktimang itinago sa pangalang Tony.

Ayon sa biktima, magpapagawa sana siya ng sasakyan nang sandaling iyon nang umatake ang mga salarin at pilit na kinukuha ang kaniyang gitong kuwintas.

Makikita sa CCTV na nakipagbuno pa ang biktima sa mga salarin hanggang sa ibato nito ang kaniyang cellphone na siyang kinuha ng mga holdaper at saka umalis.

Sinubukan pa raw ng biktima na sundan ang mga ito pero tinutukan siya ng baril.

Sa ginawang pagsusuri ng mga barangay official sa kuha ng CCTV, nakita ang getaway car ng mga suspek na hindi kita ang plaka at nagpapaikot-ikot muna sa lugar bago naholdap si Tony.

Hinala nila, modus ng mga salarin na sadyang piliin ang kanilang tatargetin kaya mahigpit ang kanilang paalala sa mga motorista na dagdagan ang pag-iingat

Ayon naman sa mga pulis, dati na ring may nangyaring kaparehang insidente sa lugar pero iba raw ang nakitang sasakyan at may takip din ang plaka nito. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam, watch