Nagmimiryendang pulis at kasama, pa-traydor na binaril sa Laguna
Patay ang isang pulis, habang sugatan naman ang kaniyang kasama matapos silang pagbabarilin ng dalawang nakatakas na suspek habang kumakain ang mga biktima sa isang karinderya sa Calamba, Laguna.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Huwebes, ipinakita ang bahagi ng kuha ng closed circuit television camera habang nagmimiryenda sa isang karinderya si PO3 Arnold Zaguirre, na nakatalaga sa Sta Rosa, at kasama nitong kaibigan.
Hindi nagtagal, makikita na dalawang lalaki ang lumapit sa mga biktima mula sa likuran at pinagbabaril ang dalawang biktima.
Nang matumba ang mga biktima, lumapit ang isang suspek at kinuha ang clutch bag ng isang biktima.
Patakas na ang mga suspek nang biglang balikan ng isang salarin ang biktima at may kinuha na namang gamit.
Tuluyang tumakas ang mga salarin sakay ng nakaabang na motorsiklo.
Nakunan din ng CCTV ang mga tumatakas na suspek sa isang kalsada sa Calamba.
Ayon sa Laguna police, isinasagawa ngayon ang isang manhunt operation laban sa mga suspek na walang takip ang mukha nang gawin ang krimen.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen. -- FRJ, GMA News