Iba pang bahagi ng katawan ng chinop-chop na misis, nakita na
Nakuha na ng mga awtoridad sa poso negro o septic tank ang pinaniniwalaang iba pang bahagi ng katawan ng isang ginang na pinagputol-putol ng kaniyang mister na Taiwanese sa Makati City.
Sa ulat ng GMA News TV's QRT nitong Huwebes, sinabing may nakuha sa septic tank na pinaniniwalang parte ng katawan ng biktimang si Rowena Kuo sa kanilang bahay sa Talyo St. sa Makati.
Natunton ang mga bahagi ng katawan ng biktima matapos ituro mismo ng suspek at asawa ng biktima na si Tony Kuo.
Una rito, natuklasan ang karumal-dumal na krimen nang puntahan ng anak ng biktima ang stockroom ng kanilang bahay matapos biglang mawala ang ina.
Sa naunang panayam sa anak ng biktima, sinabi nito na nagtungo sila ng kaniyang kapatid sa stockroom matapos mapanaginipan ang ina na nandoon at humihingi ng tulong.
Nang mapuntahan ang stockroom, nakaamoy sila ng masangsang na amoy at nakita na ang bahagi ng katawan ng biktima.
Samantala, bago pa man ang paghahanap sa bahagi ng katawan ng biktima sa septic tank, kinutuban na raw ng anak ng ginang dahil nagparamdam umano ang ina nitong Miyerkules.
Dinala na sa crime laboratory ang mga pinaniniwalang mga labi ng biktima at ipagpapatuloy sa Biyernes ang paghahanap pa sa iba pang bahagi ng katawan ng biktima. -- FRJ, GMA News