Pagtaas ng sahod sa gobyerno, ikinangangamba ng mga pribadong paaralan
Nangangamba ang isang malaking samahan ng mga pribadong eskuwelahan na mawawalan sila ng maraming guro at kawani dahil sa muling pagtaas ng sueldo ng mga empleyado sa gobyerno.
Nilagdaan nitong Biyernes ni Pangulong Benigno Aquino III ang isang executive order na ipinapatupad ang una sa apat na bugso ng panibagong umento sa sahod sa gobyreno kabilang na ang mga guro.
Sa Salary Grade 11, ang isang guro na nasa antas na Teacher 1 (Step 1) ay tatanggap, sa unang installment ng umento ng sueldo na P19,007 kada buwan dahil sa bagong Executive Order No. 201, series of 2016.
Ayon kay Rene Salvador R. San Andres, Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) at Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) Executive Director, ang maraming maliliit na mission schools at parochial schools ang kabilang sa mga "pinakamatinding tatamaan."
Mahigit dalawang libo ang mga miyembro ng COCOPEA at mas nakakarami sa kanila ay maliliit na paaralan.
Mas gugustuhin ng ilan nilang mga empleyado—pati na iyong mga nire-recruit pa lamang—na sa gobyerno magtrabaho dahil hindi kayang tapatan ng maraming pribadong paaralan ang antas na sahod sa kabilang bakod.
Dagdag problema ang sitwasyong ito sa kanilang paghahanda para sa senior high school na siyang sasalo sa mga graduates ng Grade 10 ngayong Marso at Abril at papasok sa Grade 11 sa Hunyo.
Ginanap nitong Huwebes at Biyernes ang 6th COCOPEA National Congress sa Cubao, Quezon City.
Sa pagpupulong na ito, inihayag ng mga lider ng COCOPEA at mga delegado na dahil unang beses pa lang mangyayari ang malawakang senior high school sa buong bansa, hindi pa alam ng kanilang mga pribadong paaralan kung ilan ang mag-enrol sa Hunyo. Dahil dito, hirap din silang paghandaan kung ilang guro ang kanilang kailangan.
Ayon kay Education Secretary Bro. Armin Luistro, 1.315 milyong estudyante ang tumugon sa kampanya ng DepEd sa early registration para sa senior high school kaya inaaasahan ng DepEd na di bababa sa 438,000 mag-aaral ang papasok sa SHS sa mga private schools habang 878,000 naman ang sa SHS ng mga pampublikong paaralan.
Dagdag pa ni Luistro na karamihan (40.37%) sa mga nagrehistro ay pinili ang TVL (technical-vocational-livelihood) track ng SHS habang pumangalawa lamang ang General Academic track sa piling kurso.
Kakaunti ang nasa Arts and Design track (0.46%) at Sports track (0.28%) habang marami-rami na rin ang gusto ay STEM o Science-Technology-Math (12.64%).
Inihayag ni Luistro na binilinan niya ang mga DepEd field offices na hanapin ang mga batang hindi pa nagpaparehistro para sa senior high. — DVM, GMA News