Filtered By: Topstories
News

Padre de familia ng Vizconde massacre victims na si Lauro, pumanaw na


Pumanaw na si Lauro Vizconde nitong Sabado ng hapon ilang araw matapos ma-cardiac arrest, ayon sa ulat ng dzBB radio. Noong 1991, minasaker ang kaniyang asawa at dalawang anak sa loob ng kanilang bahay sa Paranaque.

Batay sa ulat ng dzBB, ang impormasyon sa pagpanaw ni Lauro, 77-anyos ay nagmula kay Dante Jimenez, founding chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption.

 

Kasunod nito, naglabas naman ng pahayag pamilya ni Lauro, "He had a cardiac arrest caused by diabetic and pulmonary complications that caused him to finally move on at 77."

Nagbigay-pugay din ang pamilya sa mga nagawa ni Lauro para sa kaniyang mga kaanak at pamilya ng iba pang naging biktima ng karahasan.

"Inilaan po ni Tito Oro ang kanyang buhay para sa kanyang pamilya at sa ibang biktima ng heinous crimes," dagdag pa sa pahayag. "Sa panahong ito ay binibigyang karangalan namin ang kaniyang dedikasyon at pagmamahal pa sa kanila hanggang sa kanyang huling sandali."

Napag-alaman na isinugod kamakailan sa Unihealth-Parañaque Hospital si Lauro at inilagay sa intensive care unit makaraang makaranas ng kaniyang ika-apat na cardiac arrest.

Kabilang si Lauro sa mga magtatag ng Volunteers Against Crime and Corruption, makaraang paslangin ang kaniyang asawa na si Estrellita, at mga anak na sina Carmela at Jennifer sa loob ng kanilang tahanan noong June 1991.

 

Estrellita (left) and daughters Jennifer and Carmela
Estrellita (left) and daughters Jennifer and Carmela

 

Ginahasa rin ng mga suspek si Carmela, na noo'y 18-anyos.

Ang noo'y anim na taong gulang na si Jennifer, nagtamo ng 19 na saksak sa katawan.

Nagtatrabaho noon sa Amerika si Lauro nang mangyari ang malagim na krimen sa kaniyang pamilya.

Naging mainit ang pagtutok ng publiko sa kaso ng Vizconde massacre dahil sa dami ng mga itinuring akusado pero pawang napalaya.

Kabilang dito ang grupo na kinabibilangan ng anak ng dating senador na si  Freddie Webb, na si Hubert.

Taong 1995 nang kasuhan si Hubert ang iba pang akusado na mula sa prominenteng pamilya na sina Antonio Lejano II, Hospicio Fernandez, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada, Joey Filart at Artemio Ventura.

Pagkaraan ng limang taon, hinatulang guilty ng Parañaque City Regional Trial Court ang mga makusado kabilang ang mga patuloy na nakalalayang sina Filart at Ventura.

Gayunman, binaliktad ng Korte Suprema ang naturang hatol at nakalaya sina Hubert noong 2010. (Basahin: SC slams 'unbelievable' testimony of Vizconde massacre witness)

Ikinalungkot ni Lauro ang naturang desisyon ng SC. (Basahin: Lauro Vizconde in tears, Webbs on 'cloud nine').-- FRJ, GMA News