Filtered By: Topstories
News

Aktres na si Irma Adlawan at anak, sugatan matapos manlaban sa magnanakaw


Nasugatan ang aktres na si Irma Adlawan at kaniyang 16-anyos na anak na lalaki nang makipagbuno sila sa lalaking nanloob sa kanilang bahay sa Cavite nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News Balitanghali nitong Sabado, nakita ang mahigpit na yakap ni Irma sa kaniyang anak na itinago sa pangalang "Caloy."

Ayon sa mag-ina, dakong 11:00 p.m. nitong Biyernes nang makita ni Caloy ang suspek sa loob ng kanilang bahay. May takip ito sa mukha at armado ng balisong.

Tinutukan daw ng suspek ng balisong ang binata at sinabihang huwag gagalaw. Pero sa halip na matakot, hinawakan ni Caloy ang kamay ng suspek hanggang sa ma-headlock niya.

Nang marinig na ni Irma ang sigaw ng anak, tumulong na siya sa anak hanggang sa naagaw niya ang balisong sa suspek.

Napilitang sumuko ng suspek na nakilalang si Ricardo Estorres nang tutukan na siya ng naagaw na patalim ng aktres.

Nagtamo ng kagat sa braso at sugat sa daliri si Caloy. Nagkagalos naman at bukol sa ulo ang aktres.

Emosyonal si Irma nang ilarawan ang ipinakitang katapangan ng anak.

"What the man told him was 'wag kang magsasalita wag kang maingay and he was pointing that big knife at him. Sabi lang niya, 'no, he's not going to allow him to hurt anyone in this house," anang aktres.

"And I am just very thankful that nothing happened to him because I don't know what's gonna happen to me if something happens to him," dagdag niya.

Sinabi naman ni Caloy na maaari sana siyang umalis nang mga sandaling iyon para humingi ng tulong sa labas pero naisip niya ang kaligtasan ng mga taong maiiwan sa loob ng bahay.

"But my instincts were they're in the room what could he have done if I left there and called out for help," anang binata. "So what I wanted to do was stop him right then and there."

Ayon sa suspek, lookout lang daw ang papel niya sa ginawang panloloob pero nainganyo siyang pumasok nang lumabas ang iba pa niyang kasamahan na bitbit na ang gamit mula sa bahay tulad ng laptop.

"Naudyukan lang po ako ng 'Tropang Noveleta.' Sabi may papasukin daw kaming bahay po. Una lookout lang po ako pabalik-balik, sabay yung isa lumabas na po sa binatana dumaan may dalang laptop. Pumasok na ako nakaawang yung pinto ako po ang naabutan sa loob," ayon sa suspek.

Patong-patong na kaso ang isinampa na laban sa suspek ang mga kasama nito. -- FRJ, GMA News