Viral: Pumanaw na bata, nagparamdam sa ina sa pamamagitan ng lobo?
Marami ang naantig at namangha, at mayroon ding nagduda sa isang video post sa Facebook na makikita ang paglipad at tila pagtigil ng lobo sa isang emosyonal na babae sa burol ng isang bata.
Pinaniniwalaan sa naturang video post na nagparamdam ang pumanaw na bata sa nagluluksa niyang ina.
Batay sa mga komento sa video na naka-post FB account ng Trending Pinoy Videos, pumanaw umano ang bata na pitong-taong-gulang dahil sa sakit na leukemia.
Bagaman marami ang nakiramay sa ina at sa pamilya ng namayapang bata, mayroon ding nagpahayag ng pag-aalinlangan na posibleng tinalian o hangin lang ang dahilan ng paglipad at papunta ng lobo sa ginang.
Dakong 1:00 am nitong Sabado, mayroong nang mahigit 715,000 views ang video, mahigit 22,000 shares, at mahigit 2,000 comments.
Nakakakilabot! Yung anak na namatay ay nagparamdam sa nanay nya sa pamamagitan ng lobo.pero nakakatouch pa din dahil kahit sa kabilang buhay ay ganun sya magmahal sa magulang nya. ????
Posted by Trending Pinoy Videos on Thursday, February 11, 2016
Gayunman, hindi na mapanood ang video sa naturang FB account.

-- FRJ, GMA News