Sanggol na tinangay ng nagpanggap na nurse sa isang ospital sa Cebu, nabawi na
Nabawi na nitong Martes ng gabi ng mga awtoridad ang bagong silang na sanggol na dinukot ng isang babaeng nagpanggap na hospital staff sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC).
Sa ulat ng GMA News TV's SONA nitong SONA, sinabing mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Region 7), ang nakadakip sa suspek na si Melissa Londres, 26-anyos, call center agent sa barangay Lahug, Cebu City.
Basahin: Bagong silang na sanggol, tinangay ng suspek na nagpanggap na nurse
Ang kapitbahay umano ng suspek ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa suspek.
Paliwanag umano ng suspek, anak niya ang sanggol at hindi niya ito kinuha.
Nagtugma raw ang hitsura ng suspek sa babae na nakunan sa closed-circuit-television-camera sa loob ng ospital na dala ang sanggol.
Nagtungo naman sa tanggapan ng CIDG ang ama ng bata at positibo nitong kinilala si Londres na siyang kumuha sa kaniyang anak.
Dinala rin ng mga awtoridad ang nobyo ng suspek para alamin kung may kinalaman ito sa ginawang pagdukot ng babae sa sanggol. -- FRJ, GMA News