OFW na si Joselito Zapanta, binitay sa Saudi Arabia
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na binitay na sa Saudi Arabia si Joselito Zapanta, ang overseas Filipino worker na sinentensiyahan ng korte ng kamatayan noong Abril 2010 dahil sa pagpatay sa isang Sudanese national.
"The Department of Foreign Affairs regrets to inform the public of the execution of Filipino national, Mr. Joselito Lidasan Zapanta, in the Kingdom of Saudi Arabia on 29 December 2015," saad sa pahayag ng DFA. "We offer our sincere condolences to his family and loved ones for their loss."
Ayon sa DFA, itinuloy ng pamahalaan ng KSA ang pagbitay kay si Zapanta, 35-anyos, at mayroong dalawang anak, matapos tumanggi ang pamilya ng kaniyang napatay na Sudanese na pumirma sa Affidavit of Forgiveness o Tanazul kapalit ng "blood money."
Inakusahan si Zapanta ng pagnanakaw at pagpatay sa Sudanese noong 2009. Gayunman, sinabing napatay ng OFW ang biktima dahil sa away sa renta ng tinutuluyan nito.
Taong 2007 nang umalis ng Pilipinas si Zapanta para makipagsapalaran sa KSA.
Sa panayam sa telepono ng dzBB radio, sinabi ni DFA Assistant Secretary Charles Jose, na dakong 2:20 p.m. nitong Martes (Philippine time), ipinatupad ng KSA ang hatol kay Zapanta.
Kaagad umanong inilibing sa KSA ang bangkay ni Zapanta matapos bitayin na bahagi ng sistema ng gobyerno doon at tradisyon sa Islam.
“Agad na pong inilibing si Joselito Zapanta. Unang una, yung mga binibitay po sa Saudi ay karaniwang doon na din talaga inililibing. At pangalawa si Joselito po ay nagpa-convert na sa Islam,” paliwanag ni Jose.
Ayon pa sa opisyal, ipinagbigay-alam na nila sa pamilya ni Zapanta ang sinapit ng OFW.
“Alam po natin na anytime [ay pwede siyang bitayin] since yung pamilya nga po ng biktima ay tumanggi sa pagpirma ng affidavit of forgiveness. But practice po sa Saudi 'yan that they don't announce the exact date and time of the execution,” paliwanag ni Jose.
Iginiit naman ng DFA, na hindi nagkulang ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagkilos at pagbibigay ng legal na ayuda para masagip ang buhay ni Zapanta. -- FRJ, GMA News