Manilakbayan, darating sa Maynila; katarungan para sa Lumad, hiling ng CBCP
Habang paparating na ang Manilakbayan sa Kamaynilaan, mariing kinondena ng isang sangay ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang umano'y kawalang katarungan sa pagpaslang sa ilang lider ng mga lumad sa Mindanao mahigit isang buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, hindi umano marapat na katigan ng sinuman ang ginagawang karahasan at pagpapaalis sa mga lumad sa kanilang lupain.
Ang gawaing ito ay malinaw umanong paglabag sa karapatan ng ating mga kapatid na mga katutubo.
“Ang karapatan po ay hindi lamang ibinibigay ng batas, ang karapatan ay kaloob din po yan ng ating Diyos, ng ating Panginoon. And if you’re going to speak about hierarchy in laws, hindi po pinakamataas sa batas ang batas na ginawa ng tao, ang pinakamataas sa batas ay ang batas ng Diyos," ayon kay Fr. Cecillano.
"Tayong lahat, mayaman man yan o mahirap, katutubo man yan o hindi, tayong lahat ay may dignidad, at ang dignidad na yan ay kaloob ng Diyos, and I think we have to understand that our indigenous people have rights because they have dignity,” dagdag pa niya.
Ang "Manilakbayan 2015," na nilalahukan ng aabot sa 700 na mga lumad, magsasaka at human rights defenders, ay ang naglalakbay mula sa Mindanao upang isigaw at ipaalam sa nasyunal na pamahalaan ang umano'y isyu ng militarisasyon laban sa mga komunidad ng lumad.
Sa Lunes, ika-26 ng Oktubre, darating ang humigit kumulang 700 katutubo sa Maynila upang magsagawa ng Caravan para muling ipanawagan sa administrayong Benigno Aquino III para sa hinihinging na katarungan sa pagpatay sa kanilang lider at patuloy na harrassment na gimagawa sa kanilang tribu.
Ikinadismaya ni Fr. Secillano na kinakailangan pang maglakbay patungong Maynila ng mga Lumad dahil sa pagiging bingi ng pamahalaan sa hinaing ng mga ito.
Gayunman, suportado suportado ng sambayanang Katolika ang lahat ng gawain ng mga katutubo, upang mabilis na mapalutang ang katotohanan, at mapanagot ang mga nararapat maparusahan sa likod ng mga pagpatay sa kanilang mga pinuno, at pagsira at pagsunog sa kanilang mga eskwelahan.
Imbestigasyon ng DOJ
Nangako ang Department of Justice na masusing imbestigahan ang sunud-sunod na pamamaslang ng mga miyembro ng mga lumad sa Mindanao at ang itinuturong suspek ang mga sundalo ng pamahalaan.
Ayon kay Secretary Leila de Lima, "the DOJ will conduct in depth and objective investigations, regardless of whether the perpetrators are the NPA, paramilitary groups, or members of the state security forces."
Dagdag pa niya, "Any human rights violation and criminal offense committed will be investigated and prosecuted with determination."
Itinuturo ng mga human rights groups ang military, partikular na ang Mahagat/Bagani Force, isang paramilitary group, na nasa likod ng pamamaslang sa mga lumad. — LBG, GMA News