Filtered By: Topstories
News

Mga tindang isda, ibinababad daw sa dugo ng baboy para magmukhang sariwa


Kinumpiska ng mga awtoridad sa ilang pamilihan sa Davao city ang kilo-kilong isda na nabistong binababad sa dugo ng baboy para magmukhang sariwa bago ibenta.

Sa ulat ni Sheilla Vergara Rubio ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas ng GMA News TV nitong Martes, sinabing sinuyod ng mga tauhan ng Davao city Veterinarian's Office ang ilang palengke sa lungsod kasunod ng sumbong na may mga nagbebenta ng mga isdang ibinababad sa dugo ng baboy.



Naaktuhan ng mga awtoridad ang naturang gawain sa palengke sa Toril district at sa Puan Talipapa, kinumpiska ang mga isda na aabot sa 70 kilos.

Ayon kay Monaliza  Roxas ng City Veterinarian's Office, hindi naman mapanganib sa tao ang pagkain ng isdang ibinabad sa dugo ng baboy pero panlilinlang umano sa mga mamimili ang ginagawa ng mga nagtitinda.

Bukod dito, hindi rin umano makatwiran ang naturang taktika ng mga nagtitinda para sa mga Muslim na hindi kumakain ng baboy sakaling makabili ang mga ito nabanggit na isda na hindi nila alam na ibinabad pala sa dugo ng baboy.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga tindero ng mga kinumpiskang isda na mahaharap sa reklamong paglabag sa Consumer Act of the Philippines. -- FRJ, GMA News