Disqualification case laban kay Poe, itutuon sa isyu ng citizenship
Nagpasya ang Senate Electoral Tribunal sa nangyaring preliminary conference nitong Biyernes na ituon sa isyu kung natural-born Filipino nga ba si Sen. Grace Poe at isinantabi ng SET ang reklamo tungkol sa residency ng senadora.
Kaugnay ito sa inihaing disqualification case laban sa senadora ni Rizalito David, isang talunang kandidato sa pagka-senador sa halalan noong 2013.
Sinabi ng abugado ni Poe na si Alexander Poblador na mismong si SET chairman Associate Justice Antonio Carpio ang nagmungkahing isantabi na ang usapin ng residency ng senadora dahil "non-issue" ito.
"[Residency] is no longer an issue because it has prescribed. Renunciation is a sub-issue. She renounced her citizenship when she assumed the position as MTRCB chair and although not required, she renounced it at the US Embassy on October 21, 2010," ayon kay Poblador.
Halos kalahating oras ang kinailangan ng SET upang mapagpasyahan kung ano ang gagawin sa nakatakdang oral argument sa reklamo laban kay Poe sa darating na September 21.
Sinabi naman ni Poe paglabas nito mula sa case conference: "Ako ay kusang nagpunta dito upang depensahan ang mga paratang laban sa akin ... na walang takot at direkta na sinasabi sa kanila na ako ay isang tunay na Pilipino."
Ayon sa pahayag ng kampo ni Poe: "The complaint was a ploy to prevent the senator from seeking a higher post in 2016."
Ngunit, hanggang sa ngayon, hindi pa rin lantarang inanunsyo ni Poe ang plano niya sa 2016 polls.
Walang 'forum shopping'
Bago magsimula ang preliminary conference, iginiit ni David na hindi matatawag na "forum shopping" ang ginawa niyang paghain ng reklamo laban kay Poe sa SET at pati na rin sa Comelec.
"Ag position ko, wala siyang citizenship... Hindi naman valid ang re-aquisition niya noong 2006 kasi hindi siya natural-born citizen," ayon kay David.
"Kung nais natin magkaroon ng maayos na pamunuan, dapat ang mga pinuno muna [ang] sumunod sa batas," dagdag niya.
Ipinakita rin ni David ang isang kopya ng birth certificate ni Poe na umano'y "tampered."
Ngunit, pinabulaanan naman ni Poblador ang akusasyon ng "tampereing." Aniya, ang mga pagbabago sa birth certificate ay mga addition lamang upang ma-reflect ang pormal na pag-adopt kay Poe noong 1974.
Sinabi rin ni Poblador na ang bagong birth certificate ay talagang inisyu noong 1980 upang makita ang mga pagbabagong ginawa.
Samantala, sinabi ni Poe na ang nangyari sa SET ay mukhang "replay" lamang ng citizenship issue na ibinato laban sa kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr.
"Medyo sentimental nga po ang aking pagdalo ngayon sapagkat noong si FPJ ay tumakbo noong 2004, wala po silang mabato sa kanya na korapsiyon, pagnanakaw o hindi pagtulong sa kapwa. Kaya ang ginawa nila ay batuhin siya ng issue ng citizenship," ayon sa senadora.
Ang mga sinador na miyembro ng SET ay sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Bam Aquino, Cynthia Villar, Nancy Binay at Vicente 'Tito" Sotto III.
Ang mga miyembro ng SET sa mula Korte Suprema ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo-Carpio, at Arturo Brion.
"Ako ay umaasa sa pagiging patas at makatarungan ng mga kasama sa Senate Electoral Tribunal. Ako naman ay kumpiyansa sa kanilang kakayanan at dasal ko lamang na ang kanilang konsensya ay hindi madidiktahan ninuman," ayon kay Poe.
Sinisiguro naman ni Sen. Binay na maging patas ang pagtiningin niya sa kaso kahit na si Poe ay posibleng katunggali ng kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay sa presidential election sa 2016. — LBG, GMA News