Ilang estudyante, kinuyog ng mga vendor sa ilalim ng footbridge sa Cubao
Nakunan ng video ang ginawang pambubugbog ng isang grupo ng illegal vendor sa ilang estudyante na bumibili sa ibang tindero sa ilalim ng isang footbridge sa Cubao, Quezon City.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang bahagi ng video habang sinusugod ng ilang vendor ang nasa tatlong estudyante sa ilalim ng footbridge sa barangay San Martin de Pores sa Cubao.
Kahit inaawat ng ilang babaeng vendor, tuloy pa rin ang pananakit ng mga suspek sa mga biktima na sinasabing bumibili ng gadget sa ibang vendor sa lugar.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang gulo nang magalit ang mga suspek na vendor sa mga estudyanteng biktima na bumibili sa ibang vendor.
Malakas din ang loob ng mga vendor na manakit dahil sa marami ang mga ito.
Tumagal ng may dalawang minuto ang pananakit ng mga suspek bago tuluyang humupa ang sitwasyon. Gayunman, hindi na inabutan ng mga pulis ang mga nanakit na vendor.
Ang naturang insidente ay ipina-blotter sa pulisya ng tatlong estudyante na nagtamo ng sugat sa bibig, mata at ilang parte ng katawan.
Nais nilang magsampa ng reklamong physical injury sa apat na vendor na patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan para madakip. -- FRJ, GMA News